Pagkain ang bilihin huwag mga paputok
SA paglilibot ko sa Western Visayas partikular na sa Capiz abay, tila nangunguluntoy ang mga nagtitinda ng mga pailaw at paputok dahil walang tigil ang manaka-nakang pag-ulan. Tumumal ang kanilang mga paninda. Kung sabagay hindi naman lahat ng lugar sa bansa ay tumumal ang bentahan ng mga paputok at pailaw. Marami pa rin ang kumita.
Marami kasi na naging panata na ang magpaputok at magpailaw bilang pasasalamat sa mga biyayang natanggap sa taong 2024 at bilang pagsalubong na rin sa 2025.
Kahit mahal, larga lang upang matupad lamang ang kanilang mga pangarap sa pamamagitan ng pagsindi ng firecrackers at fireworks display.
Ang masaklap, matapos ang putukan sa pagsalubong sa Bagong Taon 2025, diyan na malalanghap ang usok na makasisira sa ating kalusugan.
Marami ang nananawagan kay President Ferdinand Marcos Jr., na pag-aralang maigi ang industriya ng paputok sa bansa. Kung may kumikita rito, mas marami ang naapektuhang Pilipino dahil bukod sa kalusugan, nagiging sanhi rin ito ng sunog.
Kaya ang payo ko sa ating mga kababayan, unahin muna ninyong bilhin ang mga kailangan sa tahanan bago ang mga paputok at pailaw. Ang suwerte ay nasa inyong mga kamay dahil kung mamalasin kayo sa pagpapaputok o pagpapailaw tiyak na habang buhay na ninyong pagsisihan.
At para makatipid sa pagsalubong sa Bagong Taon 2025, mangyaring manood na lamang kayo sa fireworks display na inorganisa ng inyong local government units (LGUs) at sa mga malalaking mall sa bansa. Siguradong masisiyahan kayo at wala pang gastos.
Sinisiguro rin kasi ng PNP na mas ligtas kayo sa panonood sa mga palabas ng mga hinalal na kandidato. Dahil sa nalalapit na ang midterm election tiyak na nagsisiksikan ang mga pulitiko sa mga palabas na inorganisa ng mga kandidatong inyong ipupuwesto sa Mayo 2025.
Sa kasalukuyan, 140 ang nasabugan at isa ang naitalang patay sa paggamit ng paputok at pa-ilaw sa buong bansa. Karamihan sa mga nabiktima ay mula sa paggamit ng boga na sa tala ng Department of Health (DOH) ay pawang mga kabataan edad lima pataas at ang matindi nito may ilang matatanda ang nasabugan dahil sa kalasingan.
Diyan na magsisimula ang inyong kalbayo sa buhay dahil ang suwerteng ninanais ninyo ay pinalitan ng kamalasan matapos na sabugan kayo ng paputok. Iwasan po natin ang paggamit ng anumang klase ng paputok lalong lalo na ang mga nabibili sa online dahil baka makabilang kayo sa mamalasin.
Mas masuwerte kung sasalubungin natin ang Bagong Taon 2025 kung buo pa ang ating mga kamay at sama-sama tayong magkapamilya na pagsasaluhan ang handa sa hapag
Happy New Year’s sa inyong lahat!
- Latest