JRU sumosyo sa liderato sa Group A
MANILA, Philippines — Umakyat sa tuktok ng team standings ang Jose Rizal University matapos pasabugin ang Lyceum of the Philippines, 94-69 sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa Palytime FilOil sa San Juan kahapon.
Pumutok sa opensa para sa Heavy Bombers sina Jamhir Eligado at Lawrence Mangubat upang isalo ang koponan sa top spot ng Group A kasama ang College of Saint Benilde tangan ang tig 3-1 karta.
Tinanghal na Best Player of the Game si Eligado na tumikada ng 22 points at 16 rebounds at may sahog pang 10-of-10 sa field goal.
“Ginawa ko lang ‘yung role ko sa team namin, trinabaho lang namin kung paano magbounce back dun sa talo namin.” sabi ni Eligado.
Pinamunuan naman ni Mangubat ang opensa para sa JRU sa kinanang 23 markers at tig-limang rebounds at assists at may 10-of-10 sa shooting mula sa free throw line.
Niyanig ng Heavy Bombers ang Pirates sa unang dalawang periods matapos nilang hawakan ang 18-point lead, 53-35 sa halftime.
Lalo pang naging maligalig ang JRU sa third canto kung saan ay lumobo pa ang kanilang lamang sa 20 puntos, 71-51 papasok ng fourth quarter.
Umabot sa 34 puntos ang nilamang ng Heavy Bombers, 91-57 may 3:50 minuto pa sa orasan.
Dahil sa laki ng lamang ng Kalentong-based squad sa payoff period ay halos ayaw ng humabol ng Pirates kaya tuluyan ng nasikwat ng JRU ang panalo.
Samantala, nakatikim na rin ng panalo ang Emilio Aguinaldo College matapos nilang pasukuin ang San Sebastian College-Recoletos, 94-87 sa unang laro.
May 1-3 baraha ang Generals habang wala pang panalo ang Stags sa apat na laro.
Tumikada si Wilmar Oftana ng 18 points at siyam na rebounds para sa Generals na nilista ang 1-3 karta sa Group B habang bokya pa rin sa panalo ang Golden Stags sa apat na laro.
- Latest






















