Pinoy woodpushers binokya UAE sa Olympiad
MANILA, Philippines — Patuloy na inaakbayan nina International Masters Paulo Bersamina at Jem Garcia ang Philippine team matapos nilang bokyain ang United Arab Emirates, 4-0 kahapon ng gabi sa round 4 ng 46th World Chess Olympiad men’s division na nilalaro sa Silk Road International Exhibition Centre sa Samarkand, Uzbekistan.
Sumiksik ang Philippine men’s team sa 17th place kasama ang 39 na bansa na may tig six match points sa tournament na may 11 rounds swiss system format kung saan ay ipinatutupad ang 90 minutes sa unang 40 moves at pagkatapos ay madadagdagan ng 30 minutes at may 30 seconds increment kada isang tira.
Pinisak nina Bersamina at Garcia sina FIDE Master Al Taher Abdulraman Mohammad at Saeed Laily Mohamed sa boards two at four ayon sa pagkakasunod para akayin ang Team Philippines sa paggupo sa UAE na ginagabayan ng dating malupit na super grandmaster na si head coach Vladimir Akopian.
Tinalbos din nina IM Michael Concio, Jr. at GM Daniel Quizon ang mga nakatunggali sa boards one at three.
Kuminang din ang Philippine women’s team matapos nilang itumba ang Sri Lankans, 3-1 sa distaff side, nagwagi sina WGM Janelle Mae Frayna, WIM Ruelle Canino at WIM Jan Jodilyn Fronda sa huling tatlong boards para hulao sa 39-nation sa No. 13 spot hawak ang tig six match points.
Ang tanging natalo sa Team Philippines ay si Mhage Sebastian sa board 1, yumuko ito kay WIM Davindya Oshini Gunawardhana.
- Latest























