SMB, Meralco minalas sa EASL
MANILA, Philippines — Kapwa nakalasap ng kabiguan ang San Miguel at Meralco sa kanilang kampanya sa EASL Home-and-Away Season 2 sa labas ng Pilipinas.
Isinuko ng Beermen ang 62-71 kabiguan sa home team na Eastern noong Miyerkules ng gabi sa Southorn Stadium sa Hong Kong.
Umiskor si point guard Kobey Lam ng 19 points para sa 1-2 record ng Hong Kong team sa Group A.
Humakot si 6-foot-10 import Chris McLaughlin ng double-double na 16 points at 17 rebounds.
Pinamunuan naman nina import Torren Jones at eight-time PBA MVP June Mar Fajardo ang San Miguel sa kanilang kinamadang tig-19 points.
Bumagsak ang Beermen sa 0-3 marka sa nasabing grupo at umaasang makakasampa sa win column.
Samantala, yumukod ang Bolts sa Busan KCC Egis, 68-72, sa Busan Saijik gymnasium.
Pinangunahan ni import DJ Kennedy ang Meralco sa kanyang 23 points at kumolekta si reinforcement Akil Mitchell ng 17 points at 18 rebounds.
Laglag ang Bolts sa 2-2 kartada sa ilalim ng group leader Ryukyu Golden Kings (4-0).
- Latest