Gilas Men, Women 3x3 teams sa semis
MANILA, Philippines — Parehong umabante ang Gilas Pilipinas Men’s at Women’s teams sa semifinal round ng 3x3 basketball competition ng 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Ito ay matapos talunin ng Gilas Men, binubuo nina professional cager Nic Cabanero at collegiate standouts Koji Buenaflor, Luis Pablo at David Dungo, ang Chinese Taipei, 21-19, sa quarterfinals kahapon sa Kinjo Funto Station Square.
Umiskor si Buenaflor sa huling 38 segundo para basagin ang 19-19 pagkakatabla bago ipasok ni Pablo ang kanyang salaksak para sa paglusot ng mga Pinoy cagers laban sa 2022 Hangzhou Asiad champions.
Dinomina naman ng Gilas Women ang Singapore, 22-12, papasok sa semifinals para sa tsansa sa gold medal.
Ito ang ikaapat na sunod na ratsada ng Gilas Women na kinabibilangan nina Kacey Dela Rosa, Kennan Ka, Amyah Espanol at Maria Pasilang.
Ang mga panalo ng Gilas 3x3 teams ang sumapaw sa 71-83 kabiguan ng Gilas Pilipinas Women sa Chinese-Taipei sa quarterfinals ng women’s 5-on-5 basketball tournament.
Nauna nang nasibak ang Gilas Men ni coach Tim Cone sa men’s 5x5 basketball competition.
Hindi umabot ang Gilas Men sa quarterfinals matapos malasin sa China, 61-105.
- Latest
















