Pambansang Seminar hinggil sa K-12, Mother Tongue-Based Multilingual Education atbp.
MANILA, Philippines - Ang Sentro ng Wikang Filipino Diliman sa pakikipagtulungan sa Opisina ng Tsanselor ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, Pambansang Komite sa Wika at Salin ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, at UP CAL Foundation, Inc. ay magsasagawa ng pambansang seminar na may pamagat na Ang Wikang Filipino sa Edukasyong Tersyari: Mga Hamon ng Bagong Patakaran at Programa sa Edukasyon (K-12, MTB-MLE, at iba pa).
Gaganapin ang seminar sa Oktubre 17, 18, at 19, 2013 sa Pulungang Claro M. Recto Bulwagang Rizal, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon.
Magbibigay ng pagkakataon ang pambansang seminar na ito na matalakay at matasa ang kasalukuyang kalagayan at maging ng implikasyon ng bagong patakaran kaugnay ng K-12 at MTB-MLE sa wika ng pagtuturo at pagkatuto. Sa pamamagitan din nito maaring matukoy ang mga hamon, pangangailangan, at tugon sa unang bugso ng implementasyon ng pagbabago sa kurikulum at sistema ng edukasyon.
Dadalo bilang tagapagsalita sa unang araw sina Dr. Rosalina Villaneza (Puno ng Bureau of Elementary Education Departamento ng Edukasyon) at Prop. Patrocinio V. Villafuerte (Puno ng Kagawaran ng Filipino ng PNU). Inanyayahan din sa araw na ito si Dr. Patricia B. Licuanan, Tagapangulo ng Komisyon ng Mas Lalong Mataas na Edukasyon, bilang Panauhing Pandangal na tatalakay sa tema ng seminar. Tagapagsalita naman sa ikalawang araw sina Prop. Magdalena Jocson (San Beda College), Dr. Jayson Jacobo (Pangalawang Tagapangulo ng Departamento ng Filipino ng Ateneo de Manila University), Dr. Corazon Lalu-Santos (Tagapangulo ng Teknikal na Komite sa Filipino, CHED), at Dr. Pamela C. Constantino (Miyembro ng Teknikal na Komite sa Filipino, CHED).
Inaasahang magiging daan din ito sa aktibong pakikisangkot ng mga praktisyoner, guro, mga lingguwistika, mga mananaliksik sa larangan ng wika at panitikan, at mga iskolar ng wika batay sa pagkakaroon ng sapat na kaalaman ukol sa Mga Hamon ng Bagong Patakaran at Programa sa Edukasyon (K-12 at MTB-MLE, at iba pa) sa antas tersyari.
Para sa mga nais magparehistro at magtanong ng karagdagang impormasyon at iba pang detalye, maaaring tawagan si Gng. Gemma Cabrera-Dalmacion sa telepono blg. 981-8500 lokal 4583 at 4584 o telefax 924-4747.
- Latest
- Trending