^

PSN Opinyon

Amerika o China? Pilipinas muna!

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

Mahalaga ang diplomasya. Walang matinong bansa ang naghahanap ng gulo, lalo na kung buhay at kabuhayan ng mamamayan ang nakataya. Pero teka muna, ibig bang sabihin ng mahinahong pakikipag-usap ay kailangan nang manahimik ang lahat? Huwag naman sanang gawing takip ang diplomasya para patahimikin ang mga nagtatanong at kumukuwestiyon sa desisyon ng gobyerno.

Ito ang punto ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Nobyembre 8 na pinamagatang “Statecraft, Transparency and the National Interest.”

Tama naman na kailangang panatilihing bukas ang usapan sa China. Hindi lahat ng problema ay dinaraan sa yabangan, pagbabanta at palakasan ng boses. Pero tandaan natin: ang diplomasya ay hindi pagyuko, at ang pagiging mahinahon ay hindi nangangahulugang pagpapagamit.

Ayon kay CenPEG Chair Prof. Roland G. Simbulan, ang diplomasya ay dapat nagsisilbi sa sambayanang Pilipino, hindi lang para mapanatiling maganda ang relasyon ng mga gobyerno. Hindi rin dapat ituring na kalaban ang sinumang nagtatanong tungkol sa patakarang panlabas ng bansa.

At dito pumapasok ang malaking tanong: kaninong interes ba talaga ang inuuna ng Pilipinas?

Sa usapin ng West Philippine Sea, malinaw na dapat ipaglaban ang ating karapatan sa karagatan. Hindi puwedeng basta na lang tayo magpapasindak sa China. Pero hindi rin dapat maging sunud-sunuran sa Estados Unidos dahil lamang kaalyado natin ito.

Sa ilalim ng administrasyong Marcos, patuloy ang pag­papalawak ng pakikipagtulungang militar sa Amerika. Kaya makatarungan lang na tanungin: hanggang saan ang kapalit nito? Tayo ba ang nagpapasya para sa sarili nating segu­ridad, o unti-unti tayong nagiging piyesa sa laban ng malalaking bansa?

Ang masakit, kapag nagkagiyera, hindi ang mga naka­upo sa malamig na opisina ang unang magdurusa. Ang ordi­naryong mamamayan ang mawawalan ng trabaho, ang mangingisda ang mawawalan ng pangisdaan, at ang mahirap ang unang tatamaan ng taas-presyo at kaguluhan.

Hindi kailangang mamili ng Pilipinas kung China o Ame­rika ang kakampihan. Ang dapat kampihan ay ang sariling bayan!

Diplomasya, oo. Pakikipagkaibigan, puwede. Pero huwag isuko ang dangal, kalayaan at kinabukasan ng sambayanan. Dahil ang tunay na makabayang gobyerno, marunong ma­ki­pag-usap pero hindi nagpapasindak, at higit sa lahat, hindi nakakali­mutang ang kapakanan ng Pilipino ang dapat laging number one.

DISCLAIMER: Ang artikulong ito ay isang komentaryong pampubliko at sariling pagsusuri sa mga usaping may kinalaman sa pambansang interes. Layunin nitong magbigay ng pananaw at magbukas ng talakayan, hindi mang-insulto o manira ng sinuman.

DIPLOMASYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with