Bagong silang na sanggol nilunod sa inidoro
MANILA, Philippines — Isang walang buhay na bagong silang na sanggol ang natagpuan sa loob ng tangke ng inidoro ng isang kainan sa Brgy. Poblacion 3, Nagcarlan, Laguna noong Nobyembre 4, 2026.
Sa ulat ng Nagcarlan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), magtatanghali noon nang makarinig ang isang waitress ng mahinang pag-iyak ng sanggol sa loob ng kanilang comfort room.
Nang kaniyang silipin, walang tao sa loob kaya’t tinawag niya ang mga kasama para hanapin kung saan nanggaling ang iyak.
Napagpasyahan nilang buksan ang takip ng tangke ng inidoro at dito nakita ang bagong silang na sanggol na nakalubog sa tubig at wala nang buhay.
Agad na rumesponde ang Nagcarlan Police, Municipal Health Office, at Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO).
Kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy kung sino ang nag-iwan o nagtapon sa sanggol, na posibleng maharap sa kasong infanticide.
- Latest















