LTO at HPG, gising
Kalsada ba ito o karera ng mga walang pakialam sa buhay ng pasahero?
Nakakagigil at nakakaalarma ang tila walang prenong pamamayagpag ng ilang electric three-wheeler o e-cart sa kahabaan ng Sumulong Highway at Marcos Highway, mula Antipolo, Cainta hanggang Marikina.
Kung makakita ka ng mga e-trike na pagewang-gewang kung tumakbo, singit dito, singit doon, at kung minsan ay tila walang pakialam sa mga kasabay na sasakyan, hindi ka ba kakabahan? Ang mas nakakatakot, may mga pasaherong nakasakay sa likod ng bawat manibela. Mga buhay na nakataya sa bawat alanganing liko at biglaang pagsingit!
Ang tanong: Nasaan ang gobyerno? Nasaan ang LTO? Nasaan ang HPG?
Kailangan pa bang may maaksidente, may masawi, o may pamilyang mawalan ng mahal sa buhay bago kumilos ang mga kinauukulan? Bakit tila nagbubulag-bulagan sa ganitong sitwasyon? Hindi ba dapat inuunahan ang aksidente sa halip na saka lamang magpapakita kapag may dugo nang tumulo sa kalsada?
Kung hindi ligtas at hindi angkop ang mga e-trike/cart sa mabilis at mabigat na daloy ng trapiko sa highway, bakit hindi pag-aralan at ipatupad ang malinaw na pagbabawal sa mga pangunahing lansangan na gaya ng Sumulong at Marcos Highway? Hindi sapat ang basta-bastang panghuhuli. Kailangan ng seryosong regulasyon, malinaw na ruta, at mahigpit na pagpapatupad ng batas.
Hindi rin ligtas sa reklamo ang ilang pampasaherong jeep na ginagawang concert hall ang kanilang sasakyan. Todo-birit ang radyo at stereo, halos mabingi na ang mga pasahero! Ang jeep ay pampublikong transportasyon, hindi personal na sound system ng driver. May mga senior citizen, bata, manggagawa at pasaherong pagod na sa biyahe na napipilitang magtiis sa ingay.
LTO at HPG, calling!
Hindi trabaho ng mga pasahero ang mangamba sa bawat singit ng e-trike o magtiis sa nakakabinging tugtog ng jeep. Trabaho ng mga awtoridad na tiyaking ligtas, maayos at makatao ang biyahe.
Huwag hintaying may maging headline na “trahedya sa highway” bago magpakita ng aksiyon. Ang kaligtasan sa kalsada ay hindi dapat nakadepende sa swerte.
Gumising ang mga kinauukulan! Ang highway ay hindi playground, ang pasahero ay hindi pang-testing ng preno, at ang buhay ng tao ay hindi dapat isugal sa kapabayaan at kawalan ng disiplina.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay opinyon at panawagan para sa kaligtasan ng publiko. Ang mga nabanggit na isyu ay dapat imbestigahan at beripikahin ng mga kinauukulang awtoridad. Hindi ito pahayag ng pinal na paghatol laban sa sinumang indibidwal o grupo.
- Latest




















