^

PSN Opinyon

Undas: Higit pa sa pamahiin

Magmiron Tayo - Rowena del Prado - Pilipino Star Ngayon

Tuwing sasapit ang Undas ay bumabalik ang mga nakasanayan, mga tradisyong ipinapasa mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod, at mga pamahiing hanggang ngayon ay pinaniniwalaan pa rin ng ilan.

Isa sa mga pinakakilalang pamahiin ay ang pagbabawal na mag-uwi ng anumang bagay mula sa sementeryo. Ayon sa matatanda, maa­aring sumama ang kaluluwa ng yumao kapag may iniuwi mula sa puntod. Mayroon ding paniniwalang hindi dapat dumiretso sa bahay matapos dumalaw sa sementeryo. Kailangang dumaan muna sa ibang lugar upang hindi raw sundan ng espiritu. Ang iba naman ay umiiwas sa pagwawalis sa gabi ng Undas dahil baka mataboy umano ang mga kaluluwang bumibisita.

Sabi ng ilan, huwag ubusin agad ang handa dahil para raw ito sa mga yumao. Ang iba naman ay nag-iiwan ng kandila at pagkain bilang simbolo ng pag-alala at paggalang sa mga pumanaw na.

Bagama’t walang siyentipikong batayan ang karamihan sa mga paniniwalang ito, nananatili ang mga ito bilang bahagi ng ating kultura. Hindi man totoo ang lahat, nagsisilbi itong tulay sa pagitan ng nakaraan at kasalukuyan. Ipinapakita nito kung paano pinahalagahan ng ating mga ninuno ang mga yumao at kung paano nila ipinaalala ang kahalagahan ng paggalang at pag-alala.

Ngunit sa paglipas ng panahon, nagbabago rin ang paraan ng paggunita sa Undas. Noon ay halos buong mag-anak ang nag-o-overnight sa sementeryo. May dalang pagkain, banig, at minsan pa nga ay may kantahan at kuwentuhan. Para itong isang malaking pagtitipon ng pamilya. Ngayon, dahil sa mabilis na takbo ng buhay at impluwensiya ng teknolohiya, may ilan nang nagsisindi ng virtual na kandila o nag-aalay ng dasal sa pamamagitan ng social media.

Sa kabila ng mga pagbabagong ito, nanana­tiling pareho ang diwa ng Undas. Hindi ito tungkol sa kandila, bulaklak o mga pamahiin. Higit sa lahat, ito ay tungkol sa alaala. Ito ang panahong pinapaalalahanan tayo na ang buhay ay ­panandalian at ang pinakamahalagang maiiwan natin ay ang pagmamahal na ating ipinadama sa kapwa.

Maniwala man tayo sa pamahiin o hindi, mahalaga pa ring pahalagahan ang tunay na diwa ng Undas. Ang pagdalaw sa puntod ay hindi lamang pag-alala sa mga yumao kundi pagkakataon ding muling pagtibayin ang ugnayan ng mga buhay. Sapagkat habang may nag-aalala, nagdarasal, at nagmamahal, hindi kailanman tuluyang namamatay ang alaala ng isang tao.

UNDAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with