P50-M sa ulo ni ‘Bato’ sino bang makikinabang?
Layunin ng pamahalaan sa pag-aalok ng bounty o pabuya na mapabilis ang pagdakip sa isang taong “fugitive” o “wanted” sa batas.
Hindi nakaligtas dito si Sen. Ronaldo “Bato” dela Rosa, matapos siyang babaan ng P50 million reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kanyang kinororoonan sa ikaaaresto nito.
Sa tropang nakapaligid kay Bato, kailangan na ang “loyalty check”. Kadalasan kasi, ipinalalagay na nasa sarili mong teritoryo ang maghuhudas sa’yo, kapag “pera-pera” na ang usapan.
Hindi biro ang P50-M. Tumataginting na milyun-milyong pera. Saan ka naman makapupulot ng ganitong kalaking pera? Kaya pang-engganyo ito sa mga loyal na nababaluktot loyalty sa salapi, na bandang huli ay nakukuhang mag-traydor.
Malaking palaisipan pa rin kasi ang mga naging pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla.
Saan ka ba naman nakakita, na tila alam na ni Jonvic ang kinaroroonan ni Bato, pero bakit nag-alok pa siya ng P50-M bounty?
Kung may magtimbre man sa hideout ni Bato dahil sa pabuya, ang tanong, may kakayahan na ba ang tropa ni Jonvic na salakayin ito?
Kasi bukambibig naman ng Kalihim na marami ang mamamatay kapag nagpumilit ang mga pulis o sundalo na pasukin ang kinaroroonan ng senador.
Tila natantya na rin ni Jonvic ang sitwasyon. Hindi ko minamaliit ang kanyang intel report o info sa pugad ng senador. Pero sa pananalita niya, sigurado na siyang marami ang mamamatay.
Ngayon, sinimulan na ng PNP ang “manhunt” nang matapos ang ibinigay na ultimatum kay Bato para sumuko. Tila isang malaking kalokohan ang sinasabing pabuya na alam mo naman kung nasaan ang target. Kaya ang malaking tanong, sino ang makikinabang sa bounty?
Tingnan at pag-isipan sana ng DILG ang “third party negotiation” para mahimok na sumuko ang senador. Ito lang ang isang mapayapang paraan para makaiwas sa nakaambang patayan kapag idinaan sa madugong operasyon ang pag-aresto kay Bato.
- Latest















