Piso, nanghihina
Muling sumadsad ang piso sa panibagong record low laban sa dolyar na umabot pa sa mahigit P64 kada isang dolyar, ang pinakamahinang halaga nito sa kasaysayan.
Para sa iba, numero lamang ito sa foreign exchange market. Ngunit para sa karaniwang Pilipino, direktang epekto ito sa presyo ng gasolina, pagkain, gamot at iba pang produktong inaangkat ng bansa.
Kapag humihina ang piso, mas mahal ang pagbili natin ng mga produktong binabayaran sa dolyar. Kapag mas mahal ang gastos ng mga importer, ipinapasa rin ito sa mga mamimili. Kaya kahit hindi naman lahat ay bumibili ng dolyar, halos lahat ay naaapektuhan ng paghina ng piso.
May mga nagsasabing may benepisyo rin ito. Mas lumalaki ang halagang natatanggap ng mga OFW at ng mga kumpanyang kumikita sa dolyar kapag kinonvert ang kanilang kita sa piso. Totoo naman ito. Ngunit para sa karamihan ng Pilipino na nakadepende sa lokal na sahod at araw-araw na budget, mas ramdam ang sakit kaysa ginhawa.
Ang mas nakababahala ay ang sunud-sunod na pagtatala ng piso ng mga bagong record low ngayong taon. Hindi na ito isang beses na pangyayari lamang kundi tila unti-unting pagguho ng halaga ng ating salapi.
Maaaring tama ang paliwanag ng mga ekonomista na malakas lamang ang dolyar at hindi nag-iisa ang Pilipinas sa problemang ito. Ngunit para sa ordinaryong mamamayan, hindi mahalaga kung dolyar ang lumalakas o piso ang humihina. Ang mahalaga ay kung bakit paliit nang paliit ang laman ng kanilang pitaka.
Ang tunay na sukatan ng ekonomiya ay hindi ang galaw ng merkado kundi ang kakayahan ng mamamayan na mabili ang kanilang pangangailangan. Kapag ang piso ay patuloy na nanghihina, ang unang sumusuko ay hindi ang merkado kundi ang budget ng bawat pamilyang Pilipino.
- Latest















