^

PSN Opinyon

Trabaho ang hanap? Narito ang Croatia!

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Matunog na matunog ngayon ang pangalan ng Croatia, isang bansa sa Europe na patuloy na nangangailangan ng mga manggagawang Pilipino. Sinimulan kamakailan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpili at pag-iinterbyu sa mga aplikanteng nais magtrabaho sa mga hotel sa naturang bansa.

May 785 bakanteng posisyon sa ilalim ng Government-to-Government (G2G) program ng Pilipinas at Croatia. Daan-daang aplikante ang sumailalim sa panayam. Walang placement fee na babayaran ang mga aplikanteng matatanggap sa ilalim ng programang ito. Gayunman, dapat pa ring alamin ang iba pang posibleng gastusin at tiyaking malinaw ang mga kondisyong nakasaad sa kontrata.

Kumakalat din sa Facebook ang mga anunsyo ng ilang nagpapakilalang recruitment agency na nangangailangan ng mga manggagawa sa ilang klase ng trabaho sa Croatia.

Para sa mga hindi nakahabol sa recruitment, makabubuting subaybayan ang mga anunsiyo sa website ng DMW. May iba pang bakanteng trabaho sa Croatia na maaaring ialok ng mga pribadong recruitment agency. Sa mga interesadong mag-aplay, makabubuting direktang magtanong sa DMW o sa mga lisensiyadong recruitment agency kung tumatanggap pa ng mga bagong aplikante at kung may bakante pang posisyon. Tiyakin ding may wastong job order/job offer ang trabahong inaaplayan. Huwag basta magbayad sa mga nag-aalok ng trabaho sa pamamagitan ng social media tulad sa Facebook o Youtube.

Patuloy rin ang pagdami ng mga Pilipinong binibigyan ng pahintulot na magtrabaho sa Croatia. Ayon sa mga datos ng Croatian Interior Ministry na iniulat ng CroatianWeek, umabot sa tinatayang 15,700 ang mga work permit na ipinagkaloob sa mga Pilipino sa unang pitong buwan ng 2026, halos 5,000 na mas marami kaysa sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Pangatlo ang Pilipinas sa mga bansang pinagmumulan ng mga dayuhang manggagawa sa Croatia, kasunod ng Bosnia and Herzegovina at Serbia. Sumunod naman ang Nepal, North Macedonia, India at iba pang bansa. Ipinakikita nito ang lumalaking papel ng mga Pilipino sa lakas-paggawa ng Croatia, lalo na sa mga trabahong may kaugnayan sa hospitality.

Gayunman, hindi nangangahulugang katumbas ng bilang ng mga permit ang kabuuang dami ng mga Pilipinong naninirahan doon. Maaaring kabilang sa mga permit ang para sa bagong trabaho, renewal at pana-panahong empleyo.

Kilala ang maraming Pilipino sa kanilang karanasan sa serbisyo, kakayahang makibagay sa ibang kultura at kasanayan sa ingles. Mahalaga ang mga ito sa mga hotel na tumatanggap ng mga turistang mula sa iba’t ibang bansa. Bagaman Croatian ang opisyal na wika, nakatutulong ang Ingles sa maraming sitwasyon, lalo na sa industriya ng turismo. Gayunman, makabubuting matutuhan din ang mga batayang salita sa lokal na wika.

May mga bagay ding kailangang paghandaan ng mga Pinoy na nais magtrabaho roon. Dapat isaalang-alang ang gastos sa pagkain, pamasahe at tirahan, gayundin ang iba pang gastusin na maaaring ibawas sa sahod. Mahalagang alamin kung magkano ang aktuwal na matitira sa kinikita matapos bayaran ang mga pangangailangan. Pag-aralan at saliksikin ang kultura, pamumuhay at mga sistema ng pagtatrabaho sa Croatia.

Kaya bago pumirma sa kontrata, tiyaking malinaw ang sahod, oras ng trabaho, mga araw ng pahinga, tirahan at iba pang benepisyo. Mahalaga ring alamin kung sino ang sasagot sa mga gastusin sa pamasahe at iba pang pangangailangan. Hindi sapat na nasa Europe ang destinasyon; kailangang matiyak na maayos at legal ang trabahong naghihintay.

Mahalaga sa isang OFW ang kalidad ng trabahong papasukin. Huwag magpadala lamang sa pangakong mataas ang sahod o sa pang-akit ng pagtatrabaho sa Europe. Magsaliksik, magtanong sa DMW o sa iba pang kinauukulan, tiyaking lehitimo ang job offer at basahing mabuti ang kontrata bago pumirma.

* * * * * * * * *

Email: [email protected]

PILIPINO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with