^

PSN Opinyon

NRF: Bagong tatak ng Pinoy sa ibang bansa?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

May bagong katawagan ngayon ang Commission on Filipinos Overseas (CFO) para tukuyin ang mga Pilipinong saklaw ng mandato nito. Sa mga pahayag, anunsiyo, ulat at aktibidad ng ahensiya, madalas nang banggitin ang Non-Resident Filipinos o NRF. Tumutukoy ito sa mga Pilipinong na permanente o napakatagal nang naninirahan sa ibang bansa.

Ang CFO ang pa-ngunahing ahensiya na sumasaklaw sa mga usaping may kinalaman sa mga NRF.  Hiwalay ito sa Department of Migrant Workers na sumasakop naman sa mga Overseas Filipino workers at ibang Pilipinong pansamantala lang sa ibayong-dagat.   

Kailangan ba talaga ng bagong katawagan gayong matagal nang ginagamit ang Filipinos Overseas o Overseas Filipinos para sa mga kababayan nating naninirahan sa ibayong-dagat?

Ayon sa CFO, kabilang sa NRF ang mga permanenteng migrante, mga matagal nang naninirahan sa ibang bansa, expatriate, dual citizen, mga Pilipinong lumipat sa ibang bansa dahil sa pag-aasawa, kanilang mga inapo, at iba pang taong may lahing Pilipino. Saklaw rin nito ang mga naninirahan sa ibang bansa na hindi pa mamamayan ng kanilang nilipatang bansa o iyong tinatawag na resident at iyong citizen na rito.

Kabilang dito ang mga Filipino-American, Filipino-Canadian, Filipino-British, Filipino-Spanish at Filipino-Ja-panese at iba pang mga Pilipinong naging mamamayan at gumagamit ng passport ng ibang bansa. Hindi kabilang sa NRF ang mga OFW na nagtatrabaho sa ilalim ng kontrata, mga estu-dyanteng pansamantalang nag-aaral sa ibang bansa, at mga tinatawag na au pair. Hindi rin saklaw ang mga gumagamit lamang ng visa para sa bakasyon, pamamasyal, pagpapagamot, pagdalo sa kumperensiya, pagbisita sa pamilya o kaibigan, at pananaliksik.

Sa ganitong pag-uuri, maaaring makatulong ang paggamit ng terminong NRF para malinawan at maibukod ang magkakaibang  klase ng mga Pinoy sa ibang bansa.

Sa datos ng CFO, nakasaad ang kabuuang bilang na 10,804,958 overseas Filipinos. Gayunman, hindi malinaw sa datos na hawak natin kung anong panahon ang saklaw ng bilang na ito at kung paano inuri ang bawat sektor. Samantala, sa paunang datos ng Philippine Statistics Authority, tinatayang 2.05 milyon ang mga OFW na nagtrabaho sa ibang bansa mula Abril hanggang Setyembre 2025.

Kakatwa lamang na ingles pa rin ang katawagang ginagamit ng CFO gayong malaking bahagi ng mamamayang pinaglilingkuran nito ay mga Pilipino. Marahil, pinili ang NRF dahil mas madaling gamitin sa mga opisyal na dokumento at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad sa iba’t ibang bansa. Ngunit nananatili ang tanong: kailangan ba talaga ng bagong daglat kung mayroon nang katawagang malawak ang pagkakagamit? Kung isasalin naman sa Filipino ang Non-Resident Filipinos, maaari ba silang tawaging mga Pilipinong Hindi Residente o PHR? Kung may bagong tatak na nga ang mga Pilipino sa ibang bansa, mas magiging malinaw ba ang kanilang pagkaka-kilanlan—o panibagong daglat lamang ito na kailangang ipaliwanag sa publiko?

   * * * * * * * * * *

Emai- [email protected]


 

OFW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with