Akyat-bahay abala, mga bantay tulog?
Nakakagalit. Habang ang NCRPO ay nananawagan ng mas mahigpit na police visibility laban sa akyat-bahay. Sa Barangay Culiat, Quezon City, terible ang akyat-bahay, may mga umano’y residenteng pakiramdam nila’y pinababayaan na lang silang maging target ng mga kawatan?
Hindi biro ang mawalan ng gamit na pinaghirapan. Para sa isang pamilyang kapos sa buhay, isang cellphone, maliit na halaga ng pera, appliances o kahit isang bisikleta ay hindi basta-basta napapalitan. Pinag-ipunan ‘yan. Pinagpawisan. Kaya kapag pinasok ang bahay, hindi lang gamit ang ninanakaw pati kapanatagan ng buong pamilya.
Ang mas nakakainit ng ulo, may CCTV na. May mga kuha. May mga rutang puwedeng balikan at siyasatin. May barangay na dapat nakakaalam kung sinu-sino ang mga gumagala at gumagawa ng gulo sa lugar. May pulis na dapat nakikita sa mga eskinita at lugar na paulit-ulit na pinapasok ng mga magnanakaw.
Kaya ang tanong ng mga kapitbahay. Nasaan ang bantay bago mangyari ang nakawan? Mga tulog kaya?
Madaling sabihan ang mahihirap na bumili ng alarm, security system at kung anu-anong pangontra. Pero paano ang pamilyang ang seguridad ay kandado lang at dasal? Kung alam nang may mga gumagalang magnanakaw at may pattern na ang mga insidente, hindi sapat ang payo na “mag-ingat kayo.”
Hindi trabaho ng barangay at pulisya na hintayin munang may mabiktima bago gumalaw. May reklamo na nga patulog-tulog pa rin sila....hoy, gising na!
At kung talagang may mga kilalang pasaway o hinihinalang sangkot sa lugar, bakit parang napakahirap kumilos? Kung may CCTV, bakit hindi seryosong i-backtrack ang galaw ng mga suspek?
Hindi hinihingi ng mga residente ang milagro. Ang hinihingi nila ay presensya, aksyon at malasakit.
Dahil kapag ang magnanakaw ang laging gising habang ang mga dapat nagbabantay ay tila patulog-tulog, huwag magtaka kung bakit lalong nagiging kampante ang mga kawatan. Take note, DILG Sec Jonvic Remulla at CPNP General Jose Melencio C. Nartatez Jr, pakibusisi nga ang problemang ito pls!
Disclaimer: Ang artikulong ito ay isang opinyon at komentaryo batay sa mga impormasyong ibinahagi, mga naiulat na insidente, at saloobin ng mga residenteng apektado ng mga insidente ng akyat-bahay. Hindi ito naglalayong maghatol o magdeklara ng pananagutan ng sinumang indibidwal nang walang sapat at beripikadong ebidensya. Ang anumang alegasyon ay dapat dumaan sa kaukulang imbestigasyon at proseso ng batas. Ang layunin ng komentaryong ito ay manawagan para sa mas maagap na pagbabantay, malinaw na aksyon, at pananagutan ng mga kinauukulang awtoridad upang maprotektahan ang seguridad ng mga residente.
- Latest



















