EDITORYAL — Maramdaman na kaya ang umento sa suweldo?
SA Oktubre 14 pa inaasahan ang dagdag na P42 sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa Central Visayas. Mahigit 300,000 workers ang inaasahang makikinabang sa umento.
May dagdag din para sa mga kasambahay: mula P7,000, magiging P7,500 ang kanilang monthly minimum wage. Ang dagdag sa sahod ay kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Masarap pakinggan ang dagdag-sahod. Pero ang tunay na halaga ng wage order ay hindi nasusukat sa laki ng numerong inanunsiyo.
Nasusukat ito kung talagang matatanggap ng manggagawa ang dagdag sa kanyang susunod na suweldo.
Makikita ang kahalagahan nito sa nangyari sa Metro Manila.
May bagong P60 daily wage increase na naging epektibo noong Setyembre 26. Ngunit nananatili sa korte ang naunang Wage Order No. 27, na nagtakda sana ng P85 increase.
Kinukumpirma rin ng NWPC na ang naunang order ay patuloy na sakop ng litigation.
Sa Central Visayas, nagbabala ang ilang business groups doon na maaaring mahirapan ang maliliit na negosyo sa dagdag na labor cost habang mataas din ang gastos sa kuryente, fuel at iba pang operasyon.
Kaya may exemption period at Sagip Trabaho assistance para sa kuwalipikadong struggling businesses.
Dito dapat maging malinaw ang wage policy: hindi sapat ang magtakda ng bagong minimum.
Kailangang malinaw ang implementation, mabilis ang pagresolba sa legal disputes, mahigpit ang compliance, at may malinaw na suporta sa employers na tunay na hirap sumunod.
Dahil ang dagdag-sahod ay walang saysay kung sa papel lang ito tumataas pero hindi naman napupunta sa bulsa ng manggagawa.
Dapat maramdaman ito ng mga manggagawa. Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin, pasahe at bayad sa ilaw at tubig, nararapat lamang na makamtan ang dagdag sa suweldo. Kawawa naman ang mga manggagawa lalo ang kakarampot ang kinikita.
- Latest



















