Mas maraming Pinoy hahaba ang buhay
Kung dati’y tila maiksi ang tinatahak na landas ng mga Pilipino, ngayon ay malinaw na mas humahaba ang ating buhay.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), inaasahang tataas ang life expectancy ng mga kalalakihan mula 66.7 taon noong 2020 tungo sa 70.42 taon sa 2035. Para sa kababaihan, mas mahaba pa—mula 73.26 taon tungo sa 77.06 taon. At gaya ng nakasanayan, patuloy na mas mahaba ang buhay ng kababaihan kaysa sa kalalakihan o halos pitong taon ang agwat.
Ang mas mahabang buhay ay nangangahulugang mas maraming Pilipino ang aabot sa katandaan. Kasabay nito, mas malaki ang pangangailangan sa healthcare, social protection, pension systems, at suporta sa mga pamilya na nag-aalaga ng matatanda. Hindi sapat na masabi nating “humahaba ang buhay ng Pilipino”—dapat tiyakin din na ito’y buhay na may dignidad, kalusugan, at produktibong pakinabang.
Ayon pa sa report, nanatiling mas mahaba ang buhay ng kababaihan. Sabi ni Teodoro Orteza ng PSA, may kinalaman dito ang mas mataas na mortality rate ng kalalakihan—mula sa mga bisyo, aksidente, at sakit na mas madalas tumatama sa kanila. Ang kababaihan, sa kabilang banda, mas nakalulusot sa child mortality at mas tumatagal sa adulthood.
Sa National Capital Region (NCR), pinakamahaba ang inaasahang buhay: 75.31 taon sa lalaki at 82.04 taon sa babae sa 2035. Nananatiling mababa ang life expectancy sa SOCCSKSARGEN, BARMM, at MIMAROPA—isang paalala ng malalim na agwat sa kalusugan at serbisyo sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Ang mas mahabang buhay ay hindi lamang numero. Isa itong senyales na papasok na tayo sa yugto ng aging population na dapat paghandaan ng gobyerno, lipunan, at pamilya.
- Latest















