^

PSN Opinyon

‘Designer clothes, disaster response at ang tunay na sukatan’

GO NORTH - Artemio Dumlao - Pilipino Star Ngayon

Sa panahon ng baha, madaling mapansin ang kasuotan. Mas mahirap suriin ang serbisyo.

Kaya mabilis na sumabog via social media ang larawan nina Pampanga Gov. Lilia Pineda at Vice Gov. Dennis Pineda na naka-designer clothes habang iniinspeksiyon ang Sto. Cristo dam sa Lubao noong Agosto 29.

Mababaw ang isyu para sa iba dahil ang mahalaga raw ay naroon ang mga opisyal at umaalalay sa mga nasa­lanta. Hindi raw dapat gawing sukatan ng malasakit ang suot sure.

Subalit sa mga pumupuna, kung ang isang opisyal ay hu­ma­harap sa mga pamilyang lumikas sa mga bahay na nila­mon ng baha at sa mga taong nag-aalala kung saan kukunin ang susunod na pagkain, hindi maiiwasang mag­karoon ng kahu­lugan ang itsura ng mga opisyal. Hindi dahil kasalanan ang mamahaling damit, kundi dahil ang public service ay hindi lamang tungkol sa ginagawa, kundi sa men­saheng ipinapa­dala. Tinatawag itong political optics.

Hindi kailangang magpanggap na mahirap ang isang maykaya. Ngunit ang lider ay inaasahang marunong bu­masa ng sitwasyon.  May panahon para sa fashion. May panahon para sa pagdamay at pagiging sensitibo sa kalagayan ng mga taong pinaglilingkuran.

Ngunit magiging mababaw rin kung hanggang damit lamang ang pagsusuri dahil mas mahalagang itanong kung ano ang results ng kanilang pamumuno habang binabaha ang Pampanga.

Ilang pamilya ang maagap na nailikas? Sapat ba ang evacuation centers? Gaano kabilis ang rescue at relief ope­rations? May pagkain, tubig at gamot ba ang mga evacuees? At bakit paulit-ulit na binabaha ang mga komunidad?

Madaling magpakita ng relief goods. Mas mahirap magpa­takbo ng sistemang gumagana bago, habang at pagkatapos ng baha.

Hindi charity contest ang public service, kundi tungkuling may kasamang kapangyarihan at pananagutan.

Habang hindi dapat itinuturing na hukuman ang social media, hindi rin dapat isantabi ang lehitimong puna.

Hindi ang brand ng damit ang sukatan sapagkat ang pamantayan ay ang kahandaan ng mga opisyal na mabilis kumilos upang masaklolohan ang mga nangangailangan at gumawa ng hakbang para sa pangmatagalang solusyon.

Hinding-hindi nakakalimutan ng mga taong sinalanta ng sakuna kung sino ang dumating nang kailangan nila ng gobyerno, lalong hindi ang humakbang upang masolusyunan ang suliranin nila.

* * *

 

Para sa komento: [email protected]

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with