Dy: Bagong Kongreso, tuloy ang laban
Hindi pa tapos ang laban para maibalik ang tiwala ng publiko sa Kongreso. Ito ang mensahe ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga miyembro at kawani ng Kamara, kasabay ng panawagan na magpatuloy ang sama-samang pagkilos para maitayo ang isang institusyong mas maaasahan at karapat-dapat sa tiwala ng taumbayan.
Sa sorpresang pagdiriwang para sa kanyang ika-65 kaarawan noong Agosto 31, nagpasalamat si Dy sa mga kasamahan niyang nanatili at patuloy na nagtrabaho sa kabila ng mga batikos at pagsubok na kinaharap ng Kamara. Aniya, mahalaga ang pagtutulungan upang harapin ang mga problema at unti-unting maibangon ang imahe ng Kongreso.
“Mapalad po ako sapagkat ang mga naging kasama ko ay hindi tayo sumuko, lumaban tayo. Lumaban tayo, ibangon ang Kongreso. Salamat sa tiwala,” ani Dy.
Ngunit malinaw para sa Speaker na hindi sapat ang mga unang hakbang. Mahaba pa ang kailangang lakbayin at marami pang kailangang patunayan bago tuluyang maibalik ang kumpiyansa ng publiko.
“Mahaba pa ang laban natin. Nakakapag-umpisa pa lang tayo,” saad niya, habang hinihikayat ang lahat na patuloy na panindigan ang tama at huwag bitawan ang layuning maibangon ang Kongreso. “Dapat lalo natin ipaglaban ang tama at ipaglaban natin ibangon ang Kongreso sa tulong ng bawat isa,” dagdag niya.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, isinusulong ni Dy ang konsepto ng “Bagong Kongreso,” na nakatuon sa pagiging bukas sa publiko, pananagutan, mga repormang pang-institusyon at mga konkretong resulta na dapat maramdaman ng mga Pilipino.
Hindi lamang aniya mga lider ng Kamara ang may pananagutan sa pagbabagong ito. Kailangan ang pakikilahok ng bawat mambabatas at kawani upang maitaas ang pamantayan ng serbisyo publiko.
Para kay Dy, maaaring magkakaiba ang pananaw at pulitika ng mga tao sa loob ng Kongreso, ngunit hindi ito dapat maging hadlang sa mas mahalagang tungkulin: ang maglingkod sa sambayanang Pilipino.
“Palakasin pa natin ‘yung ating paniniwala na kayang-kaya nating ibangon ang Bagong Kongreso,” ani Dy.
Sa huli, hindi palakpakan o magagandang salita ang magiging sukatan ng pagbabago. Mas mahalaga kung muling maniniwala ang ordinaryong Pilipino na ang Kongreso ay tunay na kumikilos para sa kanilang kapakanan.
Para kay Dy, nagsisimula pa lamang ang laban. At sa bawat reporma, desisyon at gawaing may pananagutan, kailangang mapatunayan ng Kamara na karapat-dapat itong pagkatiwalaan muli ng sambayanan.
Sa puntong ito, ang hamon ay hindi lamang ang magbago sa loob ng Kamara, kundi patunayan ito sa labas, sa harap ng publiko.
- Latest















