Marcos Highway: Hindi Mo Pag-aari ’Yan, Pare!
MARCOS HIGHWAY ’yan, hindi personal na driveway! Hindi ’yan palengke, racing track o playground ng mga driver na akala mo sila ang may-ari ng kalsada.
Hari ng singit. Hari ng busina. Singit dito, lusot doon. Konting espasyo, pasok agad. Tapos kapag nasagi o nagkagulo, ang lakas magalit. Mga pare, public road ’yan. May batas. May linya. May tamang asal.
Kaya magandang hakbang ang pagtutulungan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan ng Pasig, Marikina, Antipolo at Cainta para ayusin ang trapiko sa Marcos Highway.
Pinangunahan ni MMDA Chair Don Artes ang paglagda sa memorandum of understanding (MOU), kasama sina Pasig Mayor Vico Sotto, Marikina Mayor Marjorie Ann Teodoro, Cainta Mayor Johnielle Keith Nieto at Antipolo Mayor Casimiro Ynares III.
Pero eto ang tanong ng mga motorista: may aksyon ba pagkatapos ng pirma? Kasi mga boss, hindi nadadaan sa press release ang trapiko. Kailangan ng enforcer sa kalsada. Kailangan ng mahigpit pero patas na pagpapatupad.
I-clear ang mga nakaharang. Huwag palampasin ang ilegal na paradahan. Hilahin ang abandonadong sasakyan. Habulin ang colorum at mga sasakyang ginagawang terminal ang kalsada.
At sa mga rider na akala mo nasa video game: hindi achievement ang makasingit! Hindi naman lahat ng rider pasaway. Pero sa mga abusado, konting preno at konting disgrasya lang, buhay ang maaaring mawala.
Ganoon din sa mga three-wheeler. Kung saan bawal, bawal. Kung saan puwede, doon lang. Walang palakasan, walang kapit at walang “kilala ko si ganito.” Dahil kapag batas ang usapan, dapat pantay ang tama.
Sinabi rin ni Mayor Vico Sotto na maliit lamang—humigit-kumulang 70 metro—ang bahagi ng Marcos Highway na sakop ng Pasig. Pero kahit maliit ang boundary, malaki ang epekto kapag nagkaproblema ang daloy ng trapiko.
At huwag nang gamitin ang palusot na “hindi namin sakop ’yan.” Ang motorista, walang pakialam kung saan nagtatapos ang boundary. Ang gusto lang niya ay makauwi.
Noong Disyembre 6, 2025, umabot sa halos anim na oras ang matinding trapiko sa Marcos Highway. Anim na oras, mga pare! Anim na oras na dapat sana’y kasama ang pamilya, nagtatrabaho, nagpapahinga o kumikita. Kaya sa mga abusado sa kalsada: hindi umiikot ang mundo sa inyo.
May pamilyang naghihintay. May batang naghihintay sa sundo. May empleyadong pagod na. May driver na ilang oras nang bumibiyahe. Kaya kung gusto mong maging hari, doon ka sa sarili mong bakuran.
Disclaimer: Komentaryo ito tungkol sa road discipline at public safety. Hindi nito nilalahat ang mga motorista, rider o iba pang road users.
- Latest
















