^

PSN Opinyon

Basura ang ugat, leptospirosis ang bunga

Magmiron Tayo - Rowena del Prado - Pilipino Star Ngayon

Sunud-sunod ang dating ng mga pasyente sa mga ospital na tinamaan ng leptospirosis. Ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ay nasa full-bed capacity na habang sa San Lazaro Hospital ay may tatlong pasyente ang nasawi. Naglaro at lumusong daw sa baha ang mga biktima noong kasagsagan ng habagat.

Ang leptospirosis na nagmumula sa ihi ng daga na humahalo sa tubig-baha, ay patunay na ang kalusugan ng tao ay direktang nakatali sa kalinisan ng kapaligiran. Hindi maikakaila na ang baha ay hindi lang dala ng malakas na ulan.

Ang tunay na ugat ay ang basura na walang habas na itinatapon sa estero, kanal, at ilog. Kapag barado ang daluyan ng tubig, kahit katiting na ulan ay nagiging malawakang pagbaha. At sa bawat pagbaha, nagiging daan ang tubig para sa leptospira bacteria na pumapatay ng tao.

Hindi nakikita ng mata ang panganib, ngunit ramdam ng katawan. Lagnat, pananakit ng kalamnan, paninilaw ng balat, at sa malalang kaso, pagkasawi. Ang leptospirosis ay hindi lamang sakit ng mahihirap na lumulusong sa baha; ito ay sakit ng lipunang walang disiplina sa basura.

Kung tutuusin, tao rin ang may sala. Ang bawat plastic na itinapon sa kalsada, ang bawat basura na hindi itinapon nang tama, ay nagiging sanhi ng pagbaha. At ang bawat pagbaha ay nagiging pintuan ng leptospirosis. Hindi sapat na sisihin ang gobyerno. Ang problema ay ugat ng ating sariling kapabayaan.

Ang mga namatay sa leptospirosis ay hindi dapat mabilang na lang sa statistics. Sila ay paalala na ang kalinisan ay usapin ng buhay at kamatayan. Kung hindi tayo kikilos ngayon, taun-taon ay mauulit na lang ang mga ganitong eksena.

Basura ang ugat, leptospirosis ang bunga. Kung nais nating putulin ang sakit, dapat putulin ang ugat ng problema—ang ating maling gawi sa pagtatapon ng basura.

LEPTOSPIROSIS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with