Baha, relief, at ang paulit-ulit na eksena
Taun-taon iisa ang eksena tuwing may pagbaha. Palilikasin mga residente, bibigyan ng relief goods, gagamiting evacuation mga eskwelahan, tambak na basura ang maiiwan at sasabihin ng gobyerno na maghahanap ng solusyon. Pagkatapos, balik na sa normal hanggang sa susunod na bagyo. Parang pelikulang paulit-ulit ang script.
Bakit hindi masolusyunan ang mismong baha? Bakit nag-iisip ng solusyon kapag baha na, ‘pag marami nang napinsala, nawalan ng tirahan at namatay? Tsaka nagbubungkal ng mga kalye kapag tag-ulan na. Hindi ba’t mas epektibo kung ang plano ay ginagawa bago pa man bumuhos ang ulan, hindi pagkatapos ng trahedya? Bakit hindi maglaan ng mas malaking pondo sa flood control infrastructure kaysa sa relief goods? Ilan lang ‘yan sa mga tanong ng Pinoy.
Ang problema, kahit may inilaan na malaking pondo, madalas itong nauuwi sa korapsyon. May mga ulat ng overpricing, ghost projects, at mga kontratang napupunta sa bulsa ng iilan. Ang resulta: kulang na pumping stations, baradong estero, at mga proyektong hindi natatapos.
Ang baha ay hindi lamang resulta ng ulan. Ito ay bunga ng mga basura na itinatapon ng mga walang disiplinang Pinoy at mahinang urban planning. Dapat isinasaalang-alang ang mabilis na urbanisasyon. Lumalaki na ang mga bayan at lungsod, lumilipat ang mga tao mula sa mga bukid o lalawigan (rural) patungo sa mga sentrong lungsod (urban). Kasama rito ang pagdami ng mga gusali, pag-unlad ng negosyo, at pagbabago sa takbo ng pamumuhay ng lipunan. Dagdag pa ang kakulangan sa koordinasyon ng mga ahensya at LGU, at climate change na nagpapalakas ng ulan at bagyo.
Kung tutugon lang ang gobyerno tuwing may trahedya, mananatiling cycle ang baha: sakuna, relief, tapos limot na. Ang kailangan ay pangmatagalang solusyon hindi lang dredging tuwing tag-ulan, kundi komprehensibong plano na sabay-sabay na isinusulong ng pamahalaan, LGU, at mamamayan.
Huwag laging daanin sa paramihan nang ipinamimigay na relief goods dahil ang sukatan ay kung gaano karaming Pilipino ang hindi na kailangang magsilikas at maglakad sa baha tuwing tag-ulan.
- Latest

















