Ang pulitika sa likod ng baha at habagat
Hindi na basta tubig-ulan ang bumabangga sa mga lansangan sa tuwing sumasalakay ang habagat na paulit-ulit na lamang ang eksena kung saan ay lumubog na naman ang mga kalsada, stranded ang mga manggagawa, at milyong pamilya ang nangangamba sa kanilang mga buhay.
Ang bawat paglubog ng komunidad ay salamin ng mas malalim na burak ito ay ang maruming sistema ng pulitika at korapsyon sa mga proyektong ng pamahalaan.
Ang habagat ay dala lamang ng mainit at basang hangin mula sa timog-kanluran na nagdadala ng ulan at ang tunay na nagpapalubog sa mga bayan ay ang mahinang urban planning, baradong estero, at kwestyonableng flood-control projects.
Taun-taon ay napakalaki ng pondong inilalaan para sa imprastraktura, ngunit madalas itong mauwi sa bulsa ng mga tiwaling kontraktor at opisyal.
Mas pinipili ng mga lider ang mga proyektong mabilis matapos para sa kanilang mga papogi na litrato kaysa sa pangmatagalang master plan.
Nagiging entablado ang relief distribution para sa litratuhan at pamumulitika sa halip na ayusin ang ugat ng problema.
Kapag may mga trahedya tulad ng mga pagbaha at landslide ay saka lamang lilitaw ang mga pangako na naanod din kasabay ng paghupa ng tubig.
Habang patuloy na sinusuong ng ordinaryong mamamayan ang maruming baha para lamang mabuhay ay patuloy ring pinatutunayan ng sistema na mas matibay pa ang pundasyon ng korapsyon kaysa sa mga itinatayong kongkretong depensa laban sa sakuna.
Hanggang kailan tayo aasa sa saklolo kung ang ugat ng problema ay ang sira-sirang sistema ng drainage at kawalan ng pangmatagalang plano na nananatiling binabalewala.
Hindi na basta biro ang dala ng habagat na dati ay simpleng pag-ulan lamang ay isa nang rumaragasang banta na nagpaparalisa sa kabuhayan at naglalagay sa panganib sa buhay ng mamamayan.
Kailangan ng agarang audit sa mga flood control projects at pananagutan mula sa mga ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways upang matiyak na hindi nasasayang ang pondo ng bayan sa mga proyektong tambak-lupa lamang.
- Latest




















