^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Ipaliwanag kung saan napunta ang pera

Pilipino Star Ngayon

MESA, silya, printers, gamot, pagkain, cash rewards, gym bags, at mga pangalang tila hindi tunay.

Ito ang ilan sa mga detalyeng lumabas sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President. Ayon sa testimonya ng state auditor na iniharap ng prosecution, ma­raming red flag sa paggastos at pag-liquidate ng daan-daang milyong piso.

Hindi ordinaryong pondo ang confidential fund. Dahil lihim ang operasyon, limitado ang ordinaryong pagsusuri ng publiko. Pero hindi ibig sabihin nito na puwedeng palitan ng acknowledgment­ receipt ang maayos na re­­sibo, o gawing sapat ang listahan ng pangalan kahit walang malinaw na dokumentong nagpapatunay kung sino ang tumanggap at para saan talaga ginamit ang pera.

Kung ang gamot at pagkain ay ginamit bilang reward sa informant, dapat malinaw kung anong impormasyon ang naibigay, anong ope­rasyon ang naisagawa, at anong resulta ang nakuha. Hindi sapat ang “basta confidential.” Kapag pera ng bayan ang pinag-uusapan, ka­ilangan pa rin nang malinaw na paliwanag.

Mas nakababahala ang paggamit ng mga alyas o pangalang hindi matukoy. Naging sikat  na ang pangalang Mary Grace Piattos, pero hindi lang siya ang binanggit. May iba pang pa­ngalan na lumutang. Kung may butas sa patakaran na hindi malinaw kung bawal o puwede ang paggamit ng alias sa liquidation documents, dapat isara agad. Ang gray area sa public funds ay mitsa na pagsimulan sa abuso.

Dito lumilitaw ang problema sa confidential funds: malaki ang tiwala, pero mahina ang bantay. Sa maraming pagkakataon, post-audit na lamang ang nagagawa ng Commission on Audit. Ibig sabihin, nagastos na ang pera bago pa makita ang posibleng iregularidad. Kapag ganoon, ang tanong ay hindi lang “saan napunta ang pera?” kundi “bakit pinayagan ang sistemang puwedeng maglabas ng pera nang halos bulag ang publiko?”

Hindi rin katanggap-tanggap ang palusot na hindi accountable ang pinuno ng ahensya dahil hindi siya ang mismong payee ng tseke. Ang head of agency ang nag-aapruba, nanga­nga­siwa, at may tungkuling tiyaking sumusunod ang opisina sa patakaran. Kung hindi siya mananagot sa paggamit ng daan-daang milyong piso, sino ang mananagot?

Ang confidential fund ay hindi personal na alkansiya. Hindi ito blank check. Hindi ito magic envelope na kapag nilagyan ng salitang “confidential” ay ligtas na sa mga pananagutan. Kung may tunay na pangangailangan ang ilang ahensiya sa lihim na operasyon, dapat itong mahigpit na limitahan, bantayan, at i-audit. Pero para sa mga civilian agency tulad ng OVP na walang malinaw na national security mandate, panahon nang tanungin kung kailangan ba talaga nila ng ganitong pondo.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with