PRO3 kinilala sa kampanya vs krimen at smuggling
Malaking karangalan sa isang indibiduwal kung may makakapansin ng kanilang mga mabuting gawa sa kapwa at sa lipunan lalo na sa panahon ngayon.
Kaya naman nakakataba ng puso para sa Police Regional Office 3 (PRO3) at kay Regional Director PBGen Jess Mendez na kilalanin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa kanilang ambag sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at sa pinaigting na kampanya laban sa smuggling sa lalawigan.
Iginawad ng Sangguniang Panlalawigan ang isang Provincial Resolution of Reacognition kay Mendez dahil sa pamumuno nito na nagbigay-daan upang makamit ng PRO3 ang Top 1 Safer Cities Initiative ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Top 1 Campaign Against Smuggling. Hindi lamang ito simpleng pagkilala sa isang opisyal kundi pagkilala rin sa pagsisikap ng libo-libong pulis sa Gitnang Luzon na patuloy na humaharap sa hamon ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Sa ilalim ng pamumuno ni Gen. Mendez, pinagtibay ng PRO3 ang mga operasyon laban sa ilegal na gawain, kabilang ang pagpigil sa smuggling na nakaaapekto sa ekonomiya at kabuhayan ng mga lehitimong negosyante.
Mahalaga rin ang papel ng koordinasyon ng PRO3 at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang maisulong ang mga programang naglalayong gawing mas ligtas ang mga komunidad. Ang natanggap na parangal ay hindi lamang para sa kanya kundi para sa bawat miyembro ng PRO3 na patuloy na naglilingkod nang may dedikasyon, integridad, at propesyonalismo.
Aminado si Gen. Mendez na patuloy na magiging hamon sa puwersa ng PRO3 ang pagpapalakas ng kanilang mga hakbang para sa crime prevention, anti-smuggling operations, at iba pang inisyatiba para sa kaligtasan ng publiko.
Ang pagkilala mula sa Bulacan ay nagsisilbing inspirasyon sa PRO3 upang ipagpatuloy ang kanilang mandato sa ilalim ng Focused Agenda ni Chief PNP Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Nagpasalamat naman si Mendez sa natanggap na pagkilala at iginiit na bunga ito ng sama-samang pagsisikap ng mga tauhan ng PRO3 at mga katuwang na ahensya.
- Latest















