Barangay chairman todas sa ambush!

COTABATO CITY, Philippines – Habang papalapit ang halalang pangbarangay, isang aktibong barangay chairman ang patay matapos na tambangan sa bayan ng Carmen, lalawigan ng Cotabato kahapon ng umaga.
Kinumpirma nito ring Linggo ng mga local executives at ni Lt. Col. Rolly Oranza, hepe ng Carmen Municipal Police Station ang pagkasawi ng biktima sa ambush na si Arnel Aliudin na naganap sa Barangay Kibudtungan sa Carmen. Siya ay idineklarang dead-on-the-spot dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Si Aliudin, mas kilala sa bayan ng Carmen bilang “Boyet,” ay ang chairman ng Brgy. Cadiis sa naturang bayan.
Sa inisyal na ulat ni Oranza at ng mga municipal officials, sakay si Aliudin ng kanilang Mitsubishi L300 barangay service vehicle nang tambangan at pagbabarilin ng mga nakaabang na armadong grupo pagsapit nito sa kahabaan ng kalsada ng Barangay Cadiis.
Matapos na matiyak na napuruhan ang target, mabilis na tumakas ang mga suspek at iniwang duguang nakabulagta sa loob ng naturang sasakyan ang tserman.
Ayon sa mga opisyal ng Cotabato Provincial Police Office, nagtutulungan na ang mga local executives sa Carmen, si Oranza at kanyang mga tauhan sa pagkilala sa mga pumatay sa barangay chairman upang masampahan ng kaukulang mga kaso.
- Latest





















