P85 NCR wage hike: Barya na nga, hinarang pa!
Ilang araw matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos, may sumampal agad sa milyun-milyong manggagawa. Ang umento sa sahod na P85, barya na nga, limitado pa sa NCR, hulugan sa implementasyon, at ngayon, hinarang pa ng isang temporary restraining order (TRO) matapos itong kuwestiyunin ng ilang malalaking negosyo.
P85 lang ito. Hindi pa nga kasya para sa isang fast food order, pero para sa ilang malalaking negosyo, parang katapusan na ng mundo. Mas mabilis pang napigilan ang dagdag-sahod kaysa mapigilan ang walang prenong pagtaas ng presyo ng krudo at mga pangunahing bilihin.
Hindi nakapagtataka ang galit ng mga labor group gaya ng Nagkaisa Labor Coalition sa naging tindig ng Department of Labor and Employment (DOLE). Anila, imbes na buong-tapang na ipaglaban ang sarili nitong wage order, napakabilis nitong tumiklop. Kung ang DOLE mismo ay hindi kayang ipagtanggol ang sarili nitong desisyon, sino pa ang aasahan ng mga manggagawa?
Nakakabahala ang TRO dahil malinaw sa Article 126 ng Labor Code na hindi maaaring pigilan ng hukuman ang mga proseso ng National Wages and Productivity Commission at ng mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards. Kung maaaring ihinto ng isang trial court ang isang wage order, ano pa ang silbi ng buong wage-setting system? Bawat umento na lang ba ay ipapa-TRO?
Ito ang pinakamalakas na argumento kung bakit kailangan ipasa ang legislated P200 across-the-board wage hike. Hangga’t nakasandig ang sahod sa mga inutil na regional wage orders, mananatiling kapos ang kita ng mga manggagawa. Isang pambansang batas ang magbibigay ng mas tiyak, mas makabuluhan, at mas matatag na proteksiyon sa kanilang kabuhayan.
Ilang araw lamang matapos ang SONA, ito ang mensaheng tumambad sa mga manggagawa: mas madaling ipagtanggol ang interes ng iilan kaysa ang kakarampot na dagdag na matagal nang hinihintay ng mga manggagawa.
Ito and hamon sa administrasyon. Hahayaan ba nitong manaig ang TRO o kikilos upang tiyakin ang makatarungang sahod ng mga manggagawa? Hindi lang political isolation ang maaaring sapitin ng pangulo sa hanay ng milyon-milyong manggagawa, kundi ang kanilang sama-samang galit.
Ang mga manggagawa kapag umabot ang kanilang kamalayan sa kanilang tunay na lakas at pagkakaisa bilang isang uri, hindi na sila magtatanong kung sino ang pula, dilaw, o berde.
- Latest




















