Trabaho sa abroad: Red flags, tandaan!
Sa Ingles, ang red flag ay tumutukoy sa anumang babala o palatandaang may mali, may panganib o posibleng panlilinlang. Sa usapin ng pangingibang-bansa, baka mabiktima ka ng illegal recruitment at human trafficking. Marami pa ring Pilipino ang nabibiktima nito sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng pamahalaan.
Sinasamantala ng mga illegal recruiter at human trafficker ang kahirapan, kagipitan at hangarin ng mga Pilipinong nangangailangang mangibang-bansa. Kaya patuloy na pinaaalalahanan ng Department of Migrant Workers (DMW) at maging ng Commission on Filipino Overseas ang mga nagnanais na maging overseas Filipino worker na maging mapanuri sa bawat alok na trabaho, lalo na sa ginagawa sa pamamagitan ng social media at iba pang online platform.
Sa isang information forum sa Butuan City, sinabi ni DMW Caraga Attorney III Atty. Marinelle Aycee Perral na nagsisimula ang pag-iwas sa labor trafficking sa tamang proseso ng aplikasyon. Una, tiyaking lisensiyado ng DMW ang recruitment agency at mabeberipika ito sa opisyal na website ng ahensiya. Hindi sapat na batayan ang mga pangako o testimonial na makikita sa social media. Tiyakin na ang trabahong iniaalok ay may aprubadong job order mula sa DMW. Pinapayuhan din ang mga aplikante na personal na makipagtransaksiyon sa opisina ng recruitment agency at humingi ng opisyal na resibo sa bawat legal na bayarin.
Isa ring malaking red flag ang mga alok na “guaranteed” ang agarang pag-alis kahit wala pang kumpletong dokumento, walang malinaw na kontrata o hindi na umano kailangan ang karaniwang proseso sa DMW. Dapat ding pagdudahan ang mga alok na napakataas ng suweldo ngunit halos walang hinihinging kwalipikasyon o karanasan.
Habang lumilipat sa digital platforms ang recruitment, lalo ring kailangang maging mapanuri. Madali nang gumawa ng pekeng account, dokumento at testimonial kaya hindi dapat basta magtiwala sa mga nakikita sa internet.
Dumarating ang mga totoong oportunidad sa malinaw na mga proseso, beripikadong employer at legal na mga employment documents. Beri-
pikahin ang papeles bago pirmahan.
Maging maingat kapag nire-recruit ka sa pamamagitan ng social media, mga apps o sa internet. Ang lehitimong employer o recruiter ay dapat merong opisyal na contact details tulad ng opisina at telepono na maaari mong makumpirma. Maging alerto kapag merong sinisingil o pinagbabayad ka sa kung ano-anong bagay na sobra, hindi malinaw at hindi maayos na dokumentado.
Tiyaking merong opisyal at lehitimong resibo sa mga sinisingil sa iyo ng recruiter o ng recruitment agency. Sa magastos na placement at recruitment fees, maaaring lalong magdusa ang aplikante bago pa man siya matanggap at makapagsimula sa trabaho. Mababaon siya sa utang. Magbebenta ng mga ari-arian. Dapat maging maingat ang jobseeker sa mga sinisingil ng recruiter na hindi malinaw, sobrang mahal o hindi maayos na nakadokumento.
Magduda na at mag-ingat sa mga recruiter na magsasabing kailangan mo munang kumuha ng tourist o visit visa bago ka makabiyahe at magkaroon ng trabaho sa ibang bansa. Walang sapat na proteksiyon ang job applicant sa ganitong madali at mabilis na paraan at nadadagdagan ang panganib na sila ay madisgrasya.
Ang mga recruiter na walang lisensiya ay gumagawa ng mga pekeng pangako at pababayaan na lang nang walang suporta ang aplikante kapag nagkaproblema.
Ayon nga sa CFO, ang isang job offer na parang perpekto ay maaaring nagtatago ng babalang senyales ng illegal recruitment at human trafficking. Laging maging alerto, magberipika bago mag-aplay at tandaan ang mga red flags.
* * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest


















