P6.7-B kulang sa 76 water districts
Malaking pakinggan ang P6.7 bilyong initial investment ng Crystal Bridges Holdings Corp. para sa PrimeWater na ngayo’y Hiraya Water.
Pero ang tanong: Saan mapupunta ang pera, kailan gagawin ang proyekto, at kailan mararamdaman ang tubig sa gripo?
May humigit-kumulang 76 local water districts na may joint venture agreements ang Hiraya Water. Kapag hinati ang P6.7 bilyon sa lahat ng ito, lalabas na nasa P88 milyon lamang ang katumbas kada water district. Sa kasalukuyang gastos sa water infrastructure, kulang na kulang ang P88 milyon kung seryosong rehabilitasyon ang pag-uusapan.
Ang isang modular treatment plant pa lamang ay maaaring umabot sa humigit-kumulang P400 milyon batay sa industry estimates. Ibig sabihin, ang katumbas na pondo kada water district ay wala pa sa maaaring kailanganin para sa isang modular treatment plant lamang.
Paano pa ang mas malalaking pangangailangan ng mga water district gaya ng bagong water sources, reservoirs, pumping stations, pipe replacement, leak repairs, pressure improvement, water quality upgrades, backup power, at rehabilitation ng distribution network?
Mas lalong kwesiyonable ang anunsiyo dahil walang inilabas na malinaw na listahan kung aling water districts ang uunahin, magkano ang matatanggap ng bawat isa, at anong proyekto ang tatapusin sa bawat lugar.
Para sa mga kritiko, hindi puwedeng basta sabihing may bilyun-bilyong piso nang ilalaan kung hindi naman malinaw ang plano.
Mas mabigat ang usapin dahil tumitindi ang epekto ng Super El Niño. Habang bumababa ang level ng mga dam, nababawasan ang water allocation, humihirap ang treatment ng raw water, at mas mabilis lumalabas ang kahinaan ng mga luma at napabayaang water system.
Sa ganitong krisis, hindi sapat ang pangakong “initial phase.”
Kailangan ng malinaw na sagot: alin ang uunahin, magkano ang ilalaan, kailan sisimulan, at kailan matatapos?
Binili umano ng grupo ni Lucio Co ang PrimeWater noong Disyembre 2025. Kaya tanong ng mga consumer: kung alam nang malaki ang problema, bakit ngayon pa lang inilalabas ang pondo kung kailan umaabot na sa krisis ang epekto ng tagtuyot?
Sa huli, hindi pahayag ang magpapadaloy ng tubig.
Hindi corporate rebrand ang magpapaayos ng pipelines.
Hangga’t walang district-by-district plan ang Crystal Bridges at Hiraya Water, mananatiling bitin ang P6.7 bilyong pangako.
Sa gitna ng Super El Niño, ang mga konsyumer ay hindi naghahanap ng mga mamulaklak na anunsyo. Tubig ang hinihintay nila.
- Latest
















