Ratsada itutuloy ng Rain or Shine

MANILA, Philippines — Mula sa 0-2 panimula ay pupuntiryahin ng Rain or Shine ang ikatlong sunod na panalo, habang ang back-to-back wins ang target ng Magnolia sa PBA Season 50 Governors’ Cup.
Magtutuos ang Elasto Painters at Hotshots ngayong alas-5:15 ng hapon kasunod ang upakan ng Meralco Bolts at Ginebra Gin Kings sa alas-7:30 ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City.
Bumabandera ang Phoenix sa Group B hawak ang 4-1 record kasunod ang Meralco (2-2), Rain or Shine (2-2), Blackwater (2-3), Ginebra (1-2) at Magnolia (1-2).
Matapos matalo sa Bossing (106-131) at Bolts (114-122) ay magkakasunod na pinadapa ng Elasto Painters ang Fuel Masters (105-98) at Gin Kings (110-99).
“Hindi ako worried about our offense, eh. I think we’ve scored more than 100 points every game. So it’s really just playing good defense, rebounding. When we get our rebounds, we’re able to run,” ani Rain or Shine coach Yeng Guiao na muling aasahan si balik-import Aaron Fuller.
Itatapat ng Magnolia si import KJ Buffen na inihalintulad ni mentor LA Tenorio kay Ginebra resident import Justin Brownlee sa pakikisama sa kanyang mga teammates.
“He’s been really working hard with the team, he listens to the locals. I think ‘yun ‘yung importante, very good attitude towards the game of basketball and he accepts ‘yung mga mistakes. So I think ‘yun ‘yung importante and for me that’s what we need in this team.” wika ni Tenorio kay Buffen.
Samantala, mag-uunahan namang bumangon mula sa kabiguan ang magkaribal na Meralco at Ginebra.
Nagmula ang Bolts sa 98-112 pagkatalo sa Hotshots, habang nalasing ang Gin Kings sa Elasto Painters, 99-110, sa kanilang mga huling laban.
- Latest



















