SONA: Pagkakaisa, pananagutan
Nasa plenaryo ako noong ikalimang State of the Nation Address ni Pres. Bongbong Marcos Jr. Nakaharap ko roon ang mga kongresista, senador, opisyal ng Gabinete, at dating opisyal. Sa seremonya, dama ang bigat ng sandali: hindi na pangako ang hinihintay ng bayan, kundi tunay na resultang mararamdaman araw-araw.
Tama ang bungad ng Pangulo—ang laban sa korapsiyon. Binigyang-diin niyang hindi siya Pangulo ng kanyang pamilya o mga kaibigan, kundi ng buong Pilipinas. Walang kapamilya, kamag-anak, kaalyado, o opisyal ang dapat makalampas sa batas kapag sangkot sa katiwalian.
Makikita ang epekto nito sa nationwide “Boses ng Bayan” survey ng RPMD. Umakyat sa 55.1% ang Index of Governance ni PBBM, kasama ang 54.5% trust at 55.8% job-performance rating. Nakatulong sa pagtaas ang anti-corruption exposés at pagharap sa katiwalian.
Ngunit nananatiling malaking hamon ang mataas na halaga ng pamumuhay. Sa plenaryo, nasusukat ang progreso sa programa at estadistika. Sa labas, sinusukat ito sa presyo ng bigas, kuryente, pamasahe, gamot, renta, matrikula, at kung may natitira sa sahod bago payday.
Kailangang palakasin ang produksiyon ng pagkain, modernisahin ang agrikultura at logistics, sugpuin ang smuggling at manipulasyon ng presyo, pababain ang singil sa kuryente, at lumikha ng trabahong may matatag na kita. Hindi sapat ang ayuda kung kinakapos ang mga pamilyang Pilipino.
Hindi nasusukat ang tagumpay ng SONA sa haba ng palakpakan, kundi sa pagpapatupad. Dapat gawing batas ng Kongreso ang mahahalagang panukala, magtakda ang Gabinete ng malinaw na deadline, at tiyaking umaabot hanggang barangay ang mga programa nang walang red tape, kapabayaan, o korapsiyon.
Panahon nang wakasan ang pagkakahati batay sa kulay, kampo, apelyido, at personalidad. Pilipino tayo bago maging tagasuporta o kritiko. Manatili tayong mapanuri, ngunit kilalanin din ang mabubuting nagawa ng pamahalaan. Ang pagpuri sa tama ay hindi bulag na pagsunod.
Tungkulin nating labanan ang fake news, manipuladong video, gawa-gawang dokumento, at propaganda. Mag-verify bago magbahagi at suriin ang ebidensiya bago magparatang. Ang katotohanan ay walang kulay. Kapag nagkaisa tayo para sa mabuting pamamahala, pananagutan, katapatan, at kapakanan ng bansa, mananaig ang Pilipinas.
- Latest















