Pag-isnab ng minorya sa Senado, boykot o prinsipyo?
Hindi lamang isang pag-uulat ng Pangulo ang State of the Nation Address (SONA), ito ay isang pambansang pagtitipon kung saan ang bawat sangay ng pamahalaan ay inaasahang magpakita ng pagkakaisa.
Subalit, sa likod ng marangyang kasuotan, pulang alpombra at masigabong palakpakan sa Batasang Pambansa, isang malaking puwang ang umagaw sa pansin ng madla —ang mga bakanteng upuan ng mga senador mula sa minorya.
Ang pangunahing dahilan ng hindi pagdalo ng ilang miyembro ng Senate minority bloc sa ikalimang SONA ni Pangulong Marcos Jr. ay ang kanilang tahasang pagpapakita ng protesta, sama ng loob, at hindi pagsang-ayon sa pagkakakulong at pagsasampa ng mga kasong plunder laban sa ilang kasamahan nila sa minorya.
Ayon kay Senator Imee Marcos at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, mas pinili nilang huwag pumunta sa Batasang Pambansa bilang simpleng paraan ng pagpapakita ng kanilang pagkadismaya.
Binigyang-diin nila ang sama ng loob dahil sa pagkakadetine ng ilang mambabatas tulad nina Senators Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta na humaharap sa mga kasong plunder.
Awtomatiko namang hindi nakadalo ang ibang miyembro dahil sila ay nakakulong o kaya ay nagtatago laban sa mga nakabinbing warrant.
Bukod sa pagliban sa mismong talumpati sa Kamara, nagsuot din ng itim na damit ang ilang senador mula sa minorya sa pagbubukas ng sesyon ng Senado bilang tanda ng kanilang tahimik na pagkakaisa at protesta.
Sa kanilang sadyang hindi pagdalo, nagpadala sila ng isang mensaheng mas malakas pa sa anumang palakpak na ang tunay na kalagayan ng bansa ay hindi matatagpuan sa loob ng bulwagan kundi sa labas kasama ng mga mamamayang patuloy na nagigipit.
Ang kanilang pagliban ay hindi simpleng kapabayaan, kundi isang matatag na manipesto ng pagtutol.
May mga humanga sa tapang, may mga bumabatikos sa kawalan ng “delikadesa” o propesyonalismo.
Isang paalala na buhay ang demokrasya dahil may mga boses pa ring tumatangging sumayaw sa kumpas ng mayorya.
Tapos na ang SONA ngunit ang hamon ng mga bakanteng upuan ay nananatili.
- Latest















