Ang tubig at hampas ng China
Hindi pa nga natutuyo ang sugat ng sundalong Pilipinong hinampas sa ulo ng Chinese Coast Guard, heto’t panibagong pambobomba ng tubig ang inabot ng barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Para bang sinasabi ng Beijing: “Walang pakialam, kami ang amo rito.”
Ang ganitong sunud-sunod na insidente ay hindi na simpleng aksidente o “miscommunication.” Ito’y malinaw na pattern ng panggigipit, pang-aalipusta, at pagyurak sa ating soberanya. Ang hampas sa ulo ng isang Navy personnel ay insulto sa ating uniporme; ang water cannon attack ay insulto sa ating bandila.
Kung tutuusin, hindi lang sundalo ang tinatamaan ng ganitong agresyon. Tayong lahat na Pilipino ang binabayo ng tubig, hinahampas sa dangal, at sinusubok kung hanggang saan ang ating pagtitimpi. Pero ang tanong, hanggang kailan?
Sa harap ng ganitong pangyayari, kailangang ipakita ng pamahalaan na hindi basta-basta matitinag ang Pilipinas. Hindi puwedeng puro “note verbale” at protesta na lang. Kailangan ng mas matibay na hakbang - diplomasya na may ngipin, alyansa na may laman, at depensa na may tapang.
Malinaw ang mensahe ng China: subukan ang pasensya ng Pilipino. Ang sagot natin dapat ay mas malinaw: hindi kami uurong, hindi kami titigil, at hindi kami magpapahampas nang walang laban!
Hindi bago ang ganitong eksena. Mula pa noong dekada ’70, paulit-ulit nang nagkakaroon ng tensyon sa West Philippine Sea. Ang pagkakapanalo ng Pilipinas sa arbitral ruling noong 2016 ay malinaw na nagsasabing walang legal na basehan ang “nine-dash line” ng China. Ngunit sa kabila nito, patuloy ang agresibong aksyon ng Beijing.
Ang paulit-ulit na pambobomba ng tubig at pisikal na pananakit ay hindi lamang usapin ng teritoryo. Ito’y usapin ng pambansang seguridad. Kapag nasanay ang China na walang matibay na tugon mula sa atin, mas lalakas ang loob nilang magpatuloy sa panggigipit. At kapag tuluyan tayong nawalan ng kontrol sa ating karagatan, kasunod na mawawala ang ating yaman, kabuhayan, at dangal bilang bansa.
- Latest



















