^

PSN Opinyon

Poot sa internet, kamatayan ang kapalit

Pabida - June G. Trinidad - Pilipino Star Ngayon

Pinatahimik ng pitong basyo ng bala ang boses ng 24-anyos na pro-Marcos vlogger na si Alicia ‘Mima Alicia’ Lipata na nagdulot ng malaking kontrobersya.

Ang political engagement sa bansa ay lumipat na mula sa mga plaza patungo sa mga live stream at social media platform. At ang brutal na pagpatay kay Lipata ay nagpapatunay na ang bangayan sa internet ay hindi na nananatili sa digital na mundo.

Kapansin-pansin at nakababahala ang magkahalong reaksyon ng publiko—may mga humihingi ng katarungan, ngunit mayroon ding mga nagbubunyi sa kanyang pagkawala dahil lamang sa magkaibang kulay ng pulitika. Sa isang bansa kung saan ang opinyon ay libre, tila naging kaba­­yaran ang mismong buhay para sa pagpapahayag nito.

Ang malagim na sinapit ni Lipata ay hindi lamang kuwento ng isang pinaslang na content creator, ito ay salamin ng lumalalang kultura ng karahasan na unti-unting pumapatay sa ating makataong lipunan.

Magkano nga ba ang halaga ng isang opinyon sa kasa­lukuyang panahon? Para sa vlogger na si Lipata ay nagkakahalaga ito ng kanyang sariling buhay. Ang pagpatay sa kanya ay nag-iwan ng malaking mantsa sa estado ng kalayaan sa pagpapahayag sa bansa.

Sa ngayon nakatutok ang pulisya sa kanyang online content bilang posibleng motibo na kinaiinisan umano ng marami dahil sa walang habas na pananalita umano nito laban sa mga Duterte at kaalyado na kalaban ng Marcos.

Kaya ang tanong ng ilan ay naging krimen na ba ang magpahayag ng paninindigan o tuluyan nang pinayagan na ang bala ang maging huling hurado sa vlogger na ang content ay may kinalaman sa politika.

Ang paggamit ng dahas laban sa mga vlogger ay isang malaking banta sa kaligtasan ng pamamahayag sa online.

Ang karahasan ay hindi kailanman nagiging solusyon sa mga hindi pagkakaunawaan, lalo na sa lipunan na umi­iral ang kalayaan sa pamamahayag. Bilang isang bansa, maha­lagang igalang ang bawat opinyon, maging pabor man ito o hindi sa kasalukuyang administrasyon.

Nawa’y magsilbi itong paalala sa mga otoridad na paigtingin pa ang seguridad ng mamamayan laban sa mga walang pusong kriminal. Ang paghahanap ng hustisya ay hindi lamang para sa biktima, kundi patunay na umiiral pa rin ang batas sa bayan.

Mahigpit na itong iniimbestigahan ng Philippine National Police matapos matukoy ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at bumuo na rin ng isang special task force para tutukan ang kaso na patunay na seryoso ang pamahalaan sa paghahanap ng hustisya.

MARCOS

VLOGGER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with