5 miyembro ng ‘Gapos Gang’ arestado

Nagpanggap na mga pulis
MANILA, Philippines — Bigo ang limang miyembro ng “Gapos Gang” na nagpanggap na mga pulis sa mabilis na responde ng mga tauhan ng Marikina Police sa tawag ng isa sa residente ng pinasok na bahay, sa Marikina City, nitong Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ni Eastern Police District (EPD) Chief PBGen. Melecio M. Buslig, dakong alas-12:30 ng madaling araw ng Hulyo 13, nang pasukin ng mga suspek na sina alyas “Don-don”, 52; “Ric”, 42; “Ahorn,” 27; “Oryong”, 21 at “Beshir”, 43, ang bahay ng biktima habang nagpapahinga sa Brgy. Concepcion Dos, Marikina City at nagpakita ng tatlong warrant of arrest, na kalaunan ay natukoy na peke.
Tinutukan ng baril ang mga biktima, habang kinakalas ang mga nakakabit na wifi at sinira ang mga CCTV camera at iginapos sila gamit ang cable ties at duct tape bago ni-ransack ang bahay para tumangay ng mahahalagang bagay.
Nadiskartehan ng isa sa biktima ang palihim na pagtawag sa mobile phone direkta sa police station kaya inabutan pa ang limang suspek subalit ang tatlong kasamahan ay nakatakas bitbit ang cash, gintong alahas at mobile phone, na aabot sa milyong halaga. Nagsasagawa pa ng manhunt operations ang pulisya laban sa nakatakas na mga suspek.
Narekober naman sa mga nadakip ang isang iPad Pro, isang Victorinox wrist watch, at nakumpiska ang isang chamber-loaded 9mm pistol na may 2 magazines at 19 na rounds ng bala, apat na sumpak, sling bag, cable ties, duct tape, 5 itim na balaclava masks, 5 Android mobile phones, iba’t ibang IDs ng mga suspek, isang wire cutter, at 3 pekeng warrant of arrest.
Nakapiit na ang mga suspek sa Marikina CPS custodial facility na nahaharap sa reklamong robbery with violence against or intimidation of persons, usurpation of authority, Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), slight illegal detention, at falsification of public documents.
- Latest






















