EDITORYAL — P85 na dagdag sa sahod, sapat ba?
NADAGDAGAN ng P85 ang sahod ng minimum wage workers sa Metro Manila. Mula P695, tataas sa P755 ngayong Hulyo at magiging P780 sa Enero 2027. Nasa 1.1 milyong manggagawa ang makikinabang dito.
Pero para sa mga manggagawang bumibili ng bigas, namamasahe, umuupa ng bahay, bayad sa kuryente at tubig at iba pang bayarin, ang tanong ay sapat ba ito? Dito kailangang maging tapat ang gobyerno. Ang P85 ay dagdag, pero hindi ito ginhawa. Kahit maging P780 ang minimum wage sa Metro Manila, malayo pa rin ito sa living wage na kailangan ng isang pamilya para mamuhay nang maayos. Kaya hindi nakapagtatakang sabihin ng ilang labor groups na hindi dapat gamitin ang wage order na ito para pigilan ang panawagan sa mas mataas at legislated wage hike.
May punto ang labor groups. Kung buong bansa ang pagtaas ng presyo ng bilihin, kuryente, pamasahe at serbisyo, bakit pira-piraso at rehiyon-rehiyon pa rin ang tugon sa sahod? Ang manggagawa sa labas ng Metro Manila ay hindi mas mura ang gutom. Hindi mas magaan ang bayarin. Hindi mas maliit ang pangangailangan.
Pero hindi rin sapat ang simpleng sigaw na itaas agad ang sahod sa buong bansa nang walang malinaw na plano. May babala rin ang ilang pag-aaral: kapag biglaan at pare-pareho ang national wage hike sa lahat ng rehiyon, lalo na kung hindi kasabay ang pagtaas ng productivity, maaaring tamaan ang maliliit na negosyo, formal employment at informal workers. Hindi ito dahilan para tanggihan ang dagdag-sahod. Paalala ito na dapat seryoso, maingat at buo ang polisiya.
Ang problema kasi, matagal nang nakasanayan ng ekonomiya ang murang labor. Kapag humihingi ng umento ang manggagawa, agad ang sagot ay baka magsara ang negosyo, tumaas ang presyo ng bilihin, o mawalan ng trabaho. Pero kailan naman sasabihing hindi na makatarungan ang sahod na hindi sapat para mabuhay?
Kailangan ang dagdag-sahod. Pero kailangan din ang suporta sa maliliit na negosyo, mas murang pagkain at transportasyon, mas mahigpit na price monitoring, mas mahusay na social services, at programang magpapataas ng productivity. Kung may regional wage boards pa rin, dapat mas mabilis, mas transparent, at mas sensitibo ang mga ito sa inflation. Kung magkakaroon ng national wage policy, dapat may malinaw na regional flexibility, at proteksiyon sa manggagawang nasa informal sector.
Hindi dapat gawing katapusan ng usapan ang P85. Historic ang dagdag-sahod kung ikukumpara sa nakaraan. Pero para sa manggagawang matagal nang naghahabol sa pagtaas ng mga bilihin, ang tunay na historic ay hindi lang pagtaas ng minimum wage. Sapat na sahod ang kailangan para mabuhay at hindi lang para makaraos sa araw-araw.
- Latest



















