Impeachment vs VP Sara pagulungin, tapusin
MANILA, Philippines — Hindi na umano mahalaga kung sino ang mananalo at matatalo dahil ang importante ay pagulungin ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at tapusin ito.
Ito ang binigyang diin ni Tingog Partylist Rep. Jude Acidre na iginiit na matagal nang hinihintay ng sambayanang Pilipino ang mga kasagutan ni VP Sara sa Articles of Impeachment at ang Senate Impeachment Court aniya ang tamang venue para rito.
“Hindi lang naman ito tungkol sa kung sino ang mananalo o matatalo. Ang mahalaga rito ay ang tiwala ng ating taumbayan: tiwala na gumagana ang ating mga batas, na kumikilos ang ating mga institusyon, at kaya nating harapin ang mga mabibigat na usapin ng pananagutan nang patas at makatarungan,” punto ng solon.
Binigyang diin ng solon na bagaman ang mga Pilipino ay magkakaiba ang pananaw sa impeachment ay hindi ito dapat maantala, lumikha ng kalituhan at mahaluan ng pulitika ang proseso.
“Maaaring iba-iba ang pananaw ng ating mga kababayan pagdating sa impeachment. That is a fact in any democracy. Pero hindi ito dapat gawing dahilan para patagalin, guluhin, o gawing pulitika ang proseso,” ani Acidre.
“Hindi ito dapat daanin sa ingay, pressure, o pulitika. Whatever the outcome may be, ang mahalaga ay makita ng taumbayan na ang magiging pasya ay nakabatay sa ebidensya, sa katotohanan, at sa isang patas at maayos na pagdinig,” ayon pa sa solon.
- Latest






















