Tigil-bangayan, bayan unahin!
Sa nangyayaring mga bangayan at batuhan ng baho ng mga pulitiko sa isa’t isa, ang Pilipino at Pilipinas ang kawawa.
Kaya naman nanawagan si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga opisyal ng pamahalaan na isantabi ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan at maghanap ng pagkakaisa alang-alang sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Tama naman si Yorme Isko, interes ng taumbayan at hindi ng mga partidong pulitikal, ang dapat manaig sa anumang resolusyon ng mga namumuno sa bansa.
Hangad nga ni Yorme Isko na magkaroon ng pagkakataon ang mga lider na mag-usap nang maayos upang mahanap ang kanilang pagkakasunduan. Hindi puwedeng dalawang kalye na magkatapat at parehong umaandar. Walang direksiyon ang Pilipinas.
Iniuugnay ito ni Yorme Isko sa nagdaang Araw ng Kalayaan. Aniya, ang kalayaang ipinaglaban ng mga bayani tulad ni Andres Bonifacio ay may kaakibat na pananagutan na tila nakalilimutan ng ilang lider dahil sa umiiral na bangayang pulitikal.
Maaari naman talagang magpakumbaba at maglingkod nang mainam, masinop at epektibo.
Pinatunayan ito ni Yorme Isko dahil sa kabila ng umiiral na sigalot sa pambansang pulitika, nananatili lamang itong nakatuon sa paghahatid ng serbisyo sa mahigit dalawang milyong Manilenyo.
Sabi nga ni Yorme Isko, “Manonood lang tayo ng karera nila. Pero habang ginagawa natin iyon, uubusin natin ang ating lakas upang tupdin ang ating tungkulin at paglingkuran ang dalawang milyong Manilenyo.”
Maraming ulit na ring napatunayan na ang pagkakaisa at pagtutok sa kapakanan ng mamamayan ang susi upang makausad ang bansa sa gitna ng mga hamon at hidwaang pulitikal. Sa mga lider ng bansa. Sige na please! Para sa Pilipino. Para sa Pilipinas.
- Latest















