Drug pushers, naisahan ni Gen. Mendez!
MAUTAK na sa ngayon ang mga drug pushers. Palipat-lipat na ang lokasyon ng hand-out nila ng illegal na epektos para masiguro na hindi pulis ang kanilang ka-transaksiyon.
Kaya lang, may kasabihan tayo na “matalino man ang matsing ay mapaglalangan din.” ‘Yan ang nangyari sa kaso ng tatlong high-value drug pushers na nasilo ng mga tauhan ni PRO3 director Brig. Gen. Jess Mendez sa San Fernando City, Pampanga nitong nakaraang linggo. “Apat na beses din nilang pinalipat-lipat ang lugar na mag-abutan ng epektos hanggang umabot sa San Fernando City kung saan sila nasakote,” ani Mendez. Nakumpiska sa mga suspect na sina “Ambeth,” 35-anyos ng Maynila; Bert, 45, ng Dasmariñas, City, Cavite at Nini, 47, ng Taguig City ang aabot sa P38 milyon na halaga ng shabu at cocaine. Dipugaaaaa! Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Sinabi ni Mendez na ang mga suspects, na naka-base sa Poblacion ng Makati City, ay target na nila noong intel chief pa s’ya ng NCRPO. Tiniyaga ng mga bataan ni Lt. Col. Lory Tarazona, RSOG ng PRO3, ang pagkontak kay Ambeth hanggang magkasundo sila sa pagbili ng shabu na nagkakahalagang P900,000. Apat na beses na na-call off ng mga suspects ang buy-bust dahil sa kadahilanang sila lang ang nakakaalam. Subalit noong Hunyo 10, natuloy ang transaksiyon at lingid sa kaalaman ng mga suspects, napaligiran na sila ng mga operatiba nina Tarazona at RDEU chief Maj. Ivan Siriano. Hindi na pumalag ang mga suspects. Araguyyyyy!
Sinabi ni Mendez na nakumpiska sa mga suspects ang apat na kilo ng shabu na nagkakahalagang P27.2 milyon at cocaine sa P11.3 milyon. Nabawi rin ang P900,000 buy-bust money, mobile fones, identification cards, digital weighing scale, paper bags, at isang Nissan Almera. Ayon pa kay Mendez, 10 kilo ang transaksiyon nila kay Ambeth kaya lang ng takbuhin ng mga operatiba ng PRO3 ang kasamahan nila na naka-standby sa Maynila. “Halos 20 o 30 minuto lang na nawala sa sirkulasyon ang kanilang kasamahan, arok na nila na may nangyari kaya nagkalasan na sila,” ani Mendez. Purbidang yawaahhhhh! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Sinabi ni Mendez na naipasailalim na sa tactical interrogation ang tatlong suspects at nag-cooperate naman sila. Binati ni Mendez ang RSOG at RDEU sa matagumpay nilang operasyon, sabay sabing malaking kawalan ito sa supply ng droga sa kalye sa Central Luzon. “This operation underscores the commitment of our anti-drug operatives to keep dangerous drugs off our streets and out of our communities,” ani PRO3 chief. “The arrest of these high-value individuals and the seizure of a substantial quantity of shabu and cocaine demonstrate our resolve to relentlessly pursue those who profit from the illegal drug trade,” ang giit ni Mendez. Abangan!
- Latest


















