Tapusin na ang sirko sa Senado
DAHIL sa mga samu’t saring isyu at mga batikos ng mga Senador sa kanilang kabaro ay tila nagmimistula nang isang sirko ang nagaganap sa entablado ng Senado.
Ang institusyon na dapat sana’y naglilingkod bilang huling sandigan ng batas at demokrasya ay abala sa walang katapusang bangayan at palitan ng liderato.
Sa halip na magpasa ng mga batas na tutugon sa mataas na inflation at iba pang pang-ekonomiyang krisis ang nakikita ng taumbayan ay patuloy na bangayan at agawan sa kapangyarihan.
Nasaksihan natin ang mabilis na pagpapalit ng liderato na nagresulta sa mga lamat sa pagitan ng mga mambabatas.
Ang nakalulungkot dito ang naging prayoridad ng iba ay tila ang pagprotekta sa kani-kanilang alyansa at interes pulitikal sa halip na unahin ang kapakanan ng taumbayan.
Nagsisilabasan din sa social media ang baho ng ilang senador na iba ay nambabae habang ang iba ay sangkot sa isyu ng nakatanggap umano sila ng male-maletang pera.
Kaya ang tanong ng ordinaryong Pinoy, paano pa magtitiwala sa mga taong gumagawa ng batas kung sila mismo ang tila umiiwas at bumabaluktot dito.
Alam ng publiko na may mga batas na naaantala dahil sa paulit-ulit na political drama na sa ganitong panahon na ang mga Pilipino ay naghihirap sa araw-araw na gastusin at ang inaasahan ng bayan mula sa Senado ay aksyon at hindi palabas.
Itigil na ang sirko, kailangan ng taumbayan sa Senado ang mga lider na may paninindigan at hindi nadidiktahan ng pansariling ambisyon.
Ang Senado ay hindi “playground” ng mga pulitiko kundi templo ng batas at panahon na para bumalik ang mga Senador sa kanilang sinumpaang tungkulin na magtrabaho para sa bayan at hindi para sa sariling interes.
- Latest















