JB, RJ itatagay 3-1 lead vs TNT
MANILA, Philippines — Higit pa sa Best Player of the Conference at Best Import awards ang puntirya nina RJ Abarrientos at Justin Brownlee ng Barangay Ginebra.
Magtatangka ang Gin Kings na mamuro na sa kampeonato at mapatalsik sa trono ang Talk ‘N Text sa krusyal na Game 4 ng PBA Season 50 Commissioner’s Cup finals ngayon sa Smart-Arantea Coliseum.
Bitbit ng Ginebra ang momentum mula sa bigating panalo sa Game 2 papasok sa duwelo sa alas-7:30 ng gabi at kung magwawagi ay makakalapit ng isang hakbang nalang mula sa asam na titulo.
Bago iyon, igagawad muna ang Best Player of the Conference at Best Import awards tampok sina Abarrientos at Brownlee bilang paboritong magwagi, ayon sa pagkakasunod.
Subalit ang buong atensyon ng mga bataan ni coach Tim Cone ay nasa Game 4, at hindi sa kung anumang indibidwal na parangal.
“We’re only focused in Game 3,” atas ni Cone sa kanyang mga manok matapos maagaw ang manibela sa Game 3.
Katulad noong Game 1, mainit ang naging simula ng Gin Kings bago apulahin ang comeback ng Tropang 5G, 116-102, tungo sa 2-1 kartada ng best-of-seven titular showdown.
At hindi si Abarrientos na llamado sa BPC ang nag-timon dito kundi si Stephen Holt na pinukol ang 15 sa kanyang 23 puntos sa 1st quarter kung saan dinikta ng Ginebra ang tiyempo, 35-16.
Lintik lang ang walang ganti para sa TNT, pangako naman ni Calvin Oftana matapos malimita lang sa 2 puntos sa Game 4.
“Wala ako iniinda, hindi ko ma-rason ’yun. Ang sama talaga ng laro ko and wala akong naitulong sa team. Hindi araw-araw Pasko… buti na lang, may second chance, may ilang games pa and makakabawi pa naman,” ani Oftana.
- Latest



















