Eala mapapalaban sa Wimbledon

MANILA, Philippines — Matinding laban ang haharapin ni Alex Eala sa Wimbledon Championships na papalo sa Hunyo 29 sa All-England Club sa London, England.
Unang makakasagupa ng 21-anyos Pinay netter si Renata Zarazua ng Mexico sa opening round ng naturang Grand Slam event.
Si Zarazua ay dating doubles partner ni Eala sa 2025 French Open kung saan nakaabot ang dalawa sa second round.
Sa singles, nagtagpo na rin sina Eala at Zarazua noong 2024 sa quarterfinals ng ITF USA na napanalunan ng Mexican netter.
Kung mananalo si Eala sa first round, posible nitong makaharap si dating Grand Slam champion Serena Williams na nabigyan ng wildcard entry.
Makakaharap ni Williams sa opening round si Maja Joint ng Australia.
Huling naglaro si Williams sa professional tennis noon pang 2022.
Nagbalik si Williams sa aksiyon sa doubles event ng HSBC Championships at Berlin Open.
Kitang-kita sa mga laro nito sa doubles na nananatili ang matikas na porma nito kaya’t inaabangan na ng lahat ang pagsabak nito sa singles.
Nauna nang nakapares ni Eala si Venus Williams sa doubles ng Bad Homburg Open sa Germany.
Nakaabot sina Eala at Venus sa quarterfinals ngunit natalo ang dalawa kina Ereza Mihalikova ng Slovakia at Olivia Nicholls ng Great Britain, 3-6, 2-6.
Sa Wimbledon, kung uusad si Eala sa mga susunod na rounds, nakaabang din sina defending champion Iga Swiatek ng Poland sa third round, Jasmine Paolini ng Italy sa fourth round, Elina Svitolina ng Ukraine sa quarterfinals, Elena Rybakina ng Kazakhstan sa semifinals at world No. 1 Aryna Sabalenka ng Belarus sa finals.
Makakasama naman ni Eala sa doubles si Nikola Bartunkova ng Czech Republic.
Unang makakaharap nina Eala at Bartunkova sina Jelena Ostapenko ng Latvia at Sofia Kenin ng Amerika sa first round.
- Latest

















