Sapat na bilang ng ARAL Program Tutors kailangang tiyakin
Sa susunod na linggo, inaasahang papasok sa ating mga pampublikong paaralan ang humigit-kumulang 28 milyong mga mag-aaral para sa pagbubukas ng School Year 2026-2027. Sisimulan na rin ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng three-term calendar na may layong patatagin ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, kung saan bibigyan natin ng suporta ang mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong, kabilang ang mga nahihirapang magbasa.
Bilang may akda ng batas na nagtatag sa ARAL Program (Republic Act No. 12028), suportado natin ang bagong kalendaryo lalo na’t layunin nitong dagdagan ang suporta sa mga mag-aaral na nahihirapan sa kanilang mga aralin. Kaya naman hinihimok natin ang Department of Education na tiyaking may sapat na bilang ng mga tutor para sa pagpapatupad ng ARAL Program.
Noong nanungkulan ang inyong lingkod bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, inilaan natin sa ilalim ng 2026 national budget ang P8.9 bilyon para sa pagpapatupad ng naturang programa ngayong taon. Inaasahang makikinabang dito ang 6.7 milyong mag-aaral pagdating sa Reading at 8.08 milyong mag-aaral pagdating sa Math. Layon din ng pondong ito na makapag-hire ng 440,000 tutors.
Ngunit binigyang-diin kamakailan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na mayroong delay sa pagkuha ng mga tutor para sa ARAL Program. Kabilang sa mga hamong natukoy ang pagkaantala sa pagpapalabas ng mga guidelines at pondo para sa pagkuha ng mga external tutors, kaya umaasa ang mga paaralan sa mga volunteer tutors. Binanggit din ng EDCOM II ang hindi pagpapatupad ng ARAL Summer Program para sa mga grade levels na walang mga volunteers.
Hindi sapat na maglaan lang tayo ng pondo para sa ARAL Program. Kailangang tiyakin din natin na may sapat at handang mga tutor, lalo na’t ang papel nila ang isa sa pinakamahalaga para sa tagumpay ng programa.
- Latest




















