EDITORYAL - Pinutol ang mga puno sa Quirino Avenue
Wala nang masisilungang puno. Wala nang puprotekta sa baha. Ganyan ang mangyayari makaraang putulin ang mga malalabay na punongkahoy sa Quirino Avenue sa Maynila kamakailan. Ngayon, pawang tuod na lamang ang makikita sa kahabaan ng nasabing kalsada. Kabilang sa pinutol ang 50-anyos na puno ng narra. Tinatayang 200 puno na ang naputol. Target putulin ang 617 na puno.
Ang dahilan ng katampalasanang ito? Upang bigyang-daan ang 40.62-kilometer na Southern Access Link Expressway. Sa ilalim ng pekeng anyo ng “kaunlaran,” mas pinili ng pamahalaan na sementuhin ang kinabukasan ng lungsod kapalit ng buhay ng kalikasan.
Ang masakit dito, ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) mismo ang nag-abot ng lisensiya para sa patayin ang mga puno. Sa mga inilabas nitong pahayag, mabilis na nagtago ang ahensiya sa mga batas at permit, at ipinagmalaking inoobliga naman daw na magtanim ng mahigit 50,000 seedlings bilang kapalit. Subalit ito ay isang malaking panloloko pampalubag loob sa kalikasan. Paanong mapapalitan ng mga maliit na punla ang kalahating siglo na itinatag ng isang puno ng narra—isang pambansang puno na idineklara na ngang endangered? Gaano katagal hihintayin ng mga ordinaryong mamamayan na lumaki ang mga punlang ito habang sila ay nangingisay sa tindi ng init sa kalsada?
Tahasang binatikos ni Bishop Gerardo Alminaza ng Caritas Philippines ang proyektong ito na “direct assault sa mga mahihirap.” Tama ang obispo: ang marahas na pagputol sa mga puno ay hindi lamang isyung pangkalikasan, ito ay isang moral na kapansanan. Ang mga punong ito ang tanging panangga ng mga naglalakad na manggagawa, nag-aabang ng masasakyan, mga bata, at matatanda laban sa matinding init, baha, at polusyon. Bakit ba ang disenyo ng mga lungsod ay laging pabor sa mga sasakyan, sa halip na sa kapakanan ng mamamayan?
Ipinapakita lamang ng DENR ang kawalan nila nang malalim na pananaw. Kung talagang seryoso sila sa pagpapanatili ng kalikasan, ginawan sana ng paraan ang earth-balling o ligtas na paglilipat ng mga puno, gaya ng ginagawa sa Japan na gumagamit ng nemawashi method upang hindi masira ang ugat.
Habang nakiusap pa ang DENR sa publiko na maging “kalmado”, patuloy namang umaakyat ang temperatura sa buong Timog-Silangang Asya dahil sa krisis sa klima. Ang Metro Manila ay unti-unti nang nagiging isang malaking impiyerno dahil sa kawalan ng green spaces. Mayroon pang natitirang halos 400 na puno sa Quirino Avenue. Hindi pa huli ang lahat para pigilan ang masaker na ito gamit ang mga legal na hakbang tulad ng Writ of Kalikasan. Panahon na para ipaalala sa mga opisyal ng gobyerno na ang mga puno ay hindi sagabal sa pag-unlad—pundasyon ang mga ito ng isang lungsod na may buhay.
- Latest


















