Senado o Reality Show?
May panahon na ang Senado ng Pilipinas ay kinikilalang isa sa pinakarespetadong institusyon sa bansa—marangal, may dignidad, at tahanan ng mga tunay na statesman na inuuna ang bayan kaysa pansariling interes. Ngunit ngayon, maraming Pilipino ang nagtatanong kung nasaan na ang dating Senado na nagbibigay ng inspirasyon at kumpiyansa sa publiko. Sa halip na mahinahong deliberasyon at makabuluhang debate, ang nakikita ng taumbayan ay walang tigil na bangayan, siraan, at lantarang pamumulitika.
Lalong lumalim ang pagdududa ng publiko dahil sa panukalang baguhin ang Senate rules upang payagan ang remote participation at remote voting kahit wala namang national emergency. Noong pandemya, naiintindihan ng publiko ang pansamantalang adjustments dahil may krisis pangkalusugan. Ngunit ngayon na wala nang lockdown o pandemya, bakit tila minamadali ang pagbabago ng mga pangunahing patakaran ng Senado?
Hindi maiwasang magtanong ng publiko kung may motibong pulitikal sa likod nito. Pinag-uusapan ngayon kung layunin ba nitong payagang makaboto remotely ang isang senador na nakakulong sa ICC upang mapanatili ang liderato ng Senado. At paano kung sa susunod, pati mga senador na may nakaambang kaso sa Ombudsman o nahaharap sa mabibigat na reklamo ay hihiling na rin ng remote voting? Kapag tila ina-adjust ang mga patakaran para sa political survival, unti-unting nawawala ang kredibilidad at tiwala sa institusyon.
Masakit mang sabihin, ngunit ang Senado na dating simbolo ng statesmanship ay nagmumukha nang arena ng personal na interes at alyansang pulitikal. May mga senador na tila mas abala sa pag-atake sa kapwa senador sa social media kaysa paggawa ng batas para sa mamamayan. Ang iba naman ay mas nakatuon sa publicity at political theatrics kaysa seryosong pamamahala. Ang dating bulwagan ng intelektuwal na diskurso ay napapalitan ng ingay, drama, at personal na bangayan.
Mas nakakabahala ang kayabangan ng ilang opisyal. May isang senador na tila ipinagmamalaki ang pagiging abogado na para bang mas mataas siya kaysa sa iba. Ngunit para sa ordinaryong Pilipino, hindi titulo ang sukatan ng liderato kundi kababaang-loob, malasakit, at tunay na serbisyo. Marami rin ang nadismaya noon sa pagsusulong ng pagtanggal ng mga krus at imahe ni Hesukristo sa mga ospital—isang hakbang na taliwas sa pananampalataya at kultura ng nakararaming Pilipino.
At higit na nakakagulat ang paggamit ng ilan sa pangalan ng Diyos habang malinaw namang umiikot ang usapin sa political survival. Nakakadismaya makita ang political theatrics na may kasamang paggamit sa pananampalataya para sa pansariling interes. Ang relihiyon at pananampalataya ay dapat nagsisilbing gabay sa integridad, hindi kasangkapan para sa manipulasyon o pagpapalakas ng kapangyarihan.
Panawagan ngayon sa ating mga senador: tigilan na ang walang katapusang bangayan at ibalik ang statesmanship sa Senado. Hirap na ang mga Pilipino sa taas ng bilihin, korapsyon, at kabuhayan kaya ang kailangan ng bayan ay matino, tahimik, at responsableng liderato—hindi political circus. At sa mga botante, ito ang paalala ng demokrasya: ang kalidad ng Senado ay repleksyon ng mga lider na ating pinipili.
- Latest



















