EDITORYAL — Isa na naming mamamahayag ang walang awang pinaslang
WALA pang tatlong linggo ang nakalilipas nang ipagmalaki ng pamahalaan ang bahagyang pag-akyat ng Pilipinas sa 2026 World Press Freedom Index. Ang ika-114 na ranking mula sa 180 bansa ay ipinangalandakan bilang pinakamataas na naabot ng bansa sa loob ng 21 taon. Subalit noong gabi ng May 21, sa tapat ng barangay hall ng Fort Pikit sa Malidegao, Cotabato, ang ranking ay binura ng isang bala mula sa kalibre .45 baril. Ang biktima: si Nestor Micator, 56, isang local reporter at disc jockey ng D’Empire Radio Station. Sa isang iglap, ang “tagumpay” sa kalayaan sa pamamahayag ay muling nabahiran ng dugo.
Si Micator ang ika-11 na mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. Ang kanyang pagkamatay ay hindi lamang simpleng kriminalidad; ito ay malinaw na patunay na ang kultura ng impunity o ang kawalan ng parusa sa bansa ay nananatiling buhay. Gaya ng tamang obserbasyon ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), bagamat may ilang nahuhuling gunman sa mga nakaraang pagpaslang, wala kahit isang mastermind ang napaparusahan.
Ang higit na nakababahala sa pagpaslang kay Micator ay ang tila naging normal na kawalan ng seguridad para sa mga mamamahayag sa lalawigan. Binaril ang biktima sa tapat mismo ng barangay hall. Nang maghanap ng sagot ang mga awtoridad, tumambad ang isa pang pamilyar na kuwento ng kapabayaan: hindi gumagana ang mga CCTV camera sa lugar. Paanong magkakaroon ng kapanatagan ang mga tagapaghatid ng balita kung ang mga simpleng kagamitan para sa seguridad sa tapat mismo ng mga pasilidad ng pamahalaan ay hindi gumagana?
Sa kabila ng trahedyang ito, mabilis na nagpalabas ng mga nakasanayan nang pahayag ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS). Tinawag nilang isang “matter of serious concern” ang pagpatay at binanggit ang mga utos ng Presidente na wakasan ang karahasan. Kamakailan lang din, noong May 7, ay pumirma pa ang PTFOMS at National Bureau of Investigation (NBI) ng isang kasunduan para sa mas matinding koordinasyon. Ngunit para sa mga lokal na komentarista at reporter sa mga probinsiya na araw-araw na nakikipagbuno sa mga sindikato ng droga at mga halang ang kaluluwa, ang mga kasunduang ito ay nananatiling hungkag. Hindi mapuprotektahan ang reporter na binabaril sa kalsada.
Ang pagpatay kay Micator ay isang mariing paalala na ang kalayaan sa pamamahayag ay hindi nasusukat sa mga world rankings. Nasusukat ito sa kaligtasan ng isang ordinaryong mamamahayag sa probinsiya na nag-uulat ng katotohanan nang walang takot na ang susunod na motorsiklong tatabi sa kanya ay may riding-in-tandem na armado ng baril. Habang nananatiling bungi ang hustisya at bulag ang mga CCTV ng pamahalaan, ang anumang pagtaas ng ranking sa press freedom index ay malaking insulto sa mga bangkay ng kasamahan sa hanapbuhay.
- Latest















