^

PSN Opinyon

Ang privilege ‘speechmis’ ni Imee

BARDAGULAN - Ronald M. LLamas - Pilipino Star Ngayon

Nitong Lunes, nag-privilege speech si Senator Imee Marcos. Gamit ang video na puno ng tagpi-tagping news reports, tsismis at akusasyong walang ebidensiya, inakusahan niya ang minority bloc ni former Senate President Tito Sotto na nagplano umano ng charter change via constituent assembly (ConAss) para pigilan ang 2028 elections. Ito raw ang da­hilan ng pag-agaw nila ng kontrol sa Senado, para raw pro­tektahan ang 1987 Constitution.

Privilege ba yon o “speechmis’? Kahit si Cristy Fermin, kikilabutan.

Malinaw na kasinungalingan ang mga akusasyon. Una, tumanggi si Imee na sumailalim sa interpellation mula sa kapwa niyang senador. Kung totoo ang kanyang sinasabi, bakit siya umiwas na matanong sa Senado na dapat ay tahanan ng katotohanan at pananagutan?

Pangalawa, buhol-buhol ang kanyang kwento. Sabi niya, ang ConAss daw ay para itaas ang age requirement para hindi makatakbo si twice-impeached Vice President Sara Duterte. Ngunit ibababa rin daw ito para makatakbo si Pasig City Mayor Vico Sotto. Ano ba talaga, ate? At idi­namay pa si Vico na kilala sa integridad at maayos na pamamahala. Dito pa lang, semplang na ang kwento.

Pangatlo, sinong tanga ang magtutulak ng ConAss sa isang biyak na Senado? Bakit pamumunuan ito ng bloke ni Sotto na kinabibilangan ng mga anti-chacha senators gaya ni Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros, at Bam Aquino? Ang tunay na nagtutulak ng chacha ay kampo ng mga Duterte, lalo na noong nasa poder pa sila, para isulong ang pekeng pederalismo at kumapit sa kapangyarihan.

Dahil sa batikos, inatras ni Imee ang video. Sabi niya, may “commitment” naman na raw ang lahat na tuloy na ang 2028 elections. Ngek! Gusto niyang pasalamatan natin siya para sa isang bagay na mangyayari naman talaga. Parang isang bungangerang tsismosa na gustong pasalamatan pagkatapos malinaw ang isang tsismis na siya rin naman ang nagkalat.

Maliwanag ang layunin. Ang pekeng Con-Ass narrative ay panakip-butas sa Senate coup ni Senate Pokémon Alan Peter Cayetano, na nagkanlong sa puganteng si Bato Dela Rosa at dumurog sa institusyon. Layunin din na ilihis ang atensyon ng publiko sa impeachment trial ni Sara Duterte at sa mga akusasyon ng pandarambong, undeclared wealth, at bilyon-bilyong pisong bank transactions.

Kaya huwag magpabudol. Ituloy ang impeachment trial ni Sara. Bawiin ang Senado mula sa mga abusado.

SENATOR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with