Galing ng kabataan itanghal ng munisipyo
Tradisyon sa mga bayan-bayan tuwing Mayo ang Santacruzan. Hinihirang ang pinakamaririkit na dalaga bilang sagala. Ang makikisig na binata ay mga konsorte. Tampok sa parada ang babaeng gumaganap na Reyna Elena.
May suhestyon sana ako. Gamitin ang okasyon mula Mayo hanggang Hunyo para itampok din ang galing ng kabataan. Bigyan ng munisipiyo ng malaking premyo ang:
l Mahusay na teknolohiya – Halimbawa imbentong robot ng isang mag-aaral. Maari ring gadget na pampadali ng trabaho.
l Inobasyon sa sakahan o pangisdaan – Itampok ang bagong pamamaraan sa pagtanim, pag-ani, pataba sa palaisdaan, o pangangawil.
l Kalusugan at kalinisan – Ikalat ang mga napatunayang mabisang gamot na halaman o paraan para manatiling malusog. Halimbawa, pamatay sa kuto, panlunas sa galis, o pangmumug.
l Pagtitipid – Mga bagong saliksik o tuklas na pamalit sa petrolyo para umandar ang sasakyan, magluto, o gumamit ng electronic gadgets.
l Sining – Mahuhusay magpinta, eskultor, magdisenyo, tumula, sumayaw at umawit ng mga tradisyon.
Marami pang ibang galing at larangan ang maaring itampok. Ang importante ay mailabas ang talino ng mamamayan, lalo ang mga bata.
Maari rin magkaroon ng labanang pamprobinsya at pang-rehiyon. Ipadama na may gantimpala ang magagaling.
Ganyan nabubuo ang pagmamahal sa bayan. Ganyan naipapakita na bawat isa ay mahalaga kung tumutulong sa komunidad. Napapasibol ang bayani at kabayanihan. Naipagmamalaki na iba talaga ang Pilipino.
Maari magwakas ang taunang timpalak sa Linggo ng June 12 - June 19, Araw ng Kalayaan at Araw ni Rizal. Magtatag ng museo ng mga taunang mga nanalo.
- Latest















