^

PSN Opinyon

Gloria Estefan: Mula sa dilim tungo sa liwanag

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

Marso 20, 1990 naka-bus si Gloria Estefan patungo sa concert niya sa Syracuse, New York nang banggain sila ng 18-wheeler truck. Tumilapon si Gloria sa sahig, bali ang isang vertebra sa spine. Duguan ang mukha ng asawang si Emilio at 9 taong gulang na anak na si Nayib.

Nilipad si Gloria sa ospital. Apat na oras ang pag-tornilyo ng mga doktor sa mga baling tadyang. Nang magkamalay, binulungan siya ng malalagim na balita: Hindi na siya makakalakad o magkakaanak muli.

Sa edad na 32 at rurok ng kaniyang pag-awit, biglang gumuho ang buhay ni Gloria. Makalipas ang isang buwan sa ospital umuwi siyang baldado. Hindi makapagsipilyo o makalakad patungong kusina mag-isa. Pinapaliguan siya ni Emilio at tinutulungan humiga sa gabi.

Pero buo ang loob ni Gloria. Hindi siya nagpagapi sa pagkabalda. Sinikap niyang mag-therapy, apat hanggang pitong oras araw-araw. Naglalakad sa swimming pool na nakatali ang maraming tasa sa paa para may kontra. Sa paglalakad nu’ng una ay hanggang dalawang pulgada lang ang naiaangat niyang paa mula sa sahig. Hindi katagalan ito’y naging apat, tapos anim na pulgada.

Sampung buwan mula nu’ng aksidente, Enero 28, 1991, umakyat si Gloria Estafan sa entablado ng American Music Awards. Nagpalabas si Jon Bon Jovi ng video ng buhay ni Gloria. Sabik na tumindig ang madla. Nang i-spotlight siya, tumungo si Gloria at pinisil ang ilong para iwasang maluha. Inawit niya sa unang pagkakataon ang “Coming Out of the Dark”. ‘Yon ang mga salitang sinulat ni Emilio nu’ng nasa helicopter sila patungong ospital mula sa aksidente.

Maraming minuto ang standing ovation. Nag-number one ang awit sa Billboard Hot 100. Ang album nito na “Into the Light” ay nag-double platinum. At nu’ng 1994 isinilang ni Gloria ang ikalawang anak na Emily. Edad 68 na si Gloria ngayon. Sikat pa rin at inspirasyon ng milyun-milyon. (Halaw ito sa Forgotten Chapters sa Facebook)

GLORIA ESTEFAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with