EDITORYAL - Online na pagboto ni Bato, malaking insulto
MATAPOS ideklara ng Department of Justice (DOJ) si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa bilang fugitive from justice, isang nakatatawa ngunit nakaririmarim na pakana ang gustong mangyari sa loob ng Mataas na Kapulungan. Nais ng kanyang mga kaalyado, sa pamumuno ni Sen. Rodante Marcoleta, na baguhin ang batas ng Senado upang payagan ang mga mambabatas na makilahok at bumoto nang “virtual” o online sa mga sesyon para sa tinatawag nilang “justifiable reasons.” Ang dahilan? Upang makaboto pa rin si Bato sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 6 kahit nagtatago sa batas.
Ang pakanang ito ay hindi lamang insulto sa konstitusyon, kundi isang hayagang pambabastos sa diwa ng hustisya. Tama ang pambabara nina Sen. Erwin Tulfo at Batangas Rep. Gerville Luistro: ang pag-online o teleconferencing sa Senado ay pinayagan lamang noong kasagsagan ng pandemya dahil sa mga lockdown. Ngayong normal na ang sitwasyon, walang anumang “justifiable reason” para mag-online ang isang senador maliban na lamang sa katotohanang bahag ang kanyang buntot na harapin ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).
May malaking lamat na ang mukha ng Senado nang payagan nilang maging kuta ng isang wanted ng batas ang kanilang institusyon. Sariwa pa sa memorya ng publiko ang nakakahiyang kuha sa CCTV noong May 11 kung saan makikitang tumatakbo at nadarapa pa si Bato sa mga pasilyo ng Senado para lamang iwasan ang mga nag-aabang na NBI agents. Sumulpot siya para lang maging crucial vote sa pag-upo ni Senate President Alan Peter Cayetano kapalit ni Vicente Sotto III, binigyan ng tatlong araw na “protective custody,” at pagkatapos ay pinatakas noong madaling araw ng Mayo 14 sa tulong ni Sen. Robinhood Padilla.
Ang pagboto bilang isang senator-judge sa darating na paglilitis kay VP Sara Duterte ay sagradong tungkulin na nangangailangan ng pisikal na presensiya upang personal na makita at marinig ang mga saksi, dokumento, at ebidensya ng korapsyon sa confidential funds. Hindi ito isang computer games na puwedeng idaan sa “remote access.” Kung seryoso ang administrasyong Marcos na pairalin ang rule of law at kung totoo ang utos nito na pakilusin ang 225,000 na puwersa ng PNP para tugisin si Bato, dapat nilang basagin ang pader ng palakasan. Bantayan ang mga border, harangan ang southern backdoor, at hilingin ang Interpol Red Notice. Hulihin si Bato at iharap sa The Hague upang mapatunayan na ang hustisya sa Pilipinas ay may pangil at hindi mapuprotektahan ng mga makapangyarihang magkakampi.
- Latest















